Isang babae ang isinugod sa ospital matapos siyang makaranas ng paninigas ng katawan. Ito na raw ang pampitong beses na pag-atake sa kaniya ngayong taon lamang na pinaniniwalaang sanhi raw ng stress.
Sa "Dapat Alam Mo!," makikita ang mga larawan ni "Danica," hindi niya tunay na pangalan, na naninigas ang katawan nang isugod sa ospital dahil umano sa stress noong Mayo.
Ayon kay Danica, hindi na bago sa kaniya ang ganitong pag-atake.
"Kadalasan po kasi nagshe-shake na po, namamanhid na po. Tumataas hanggang ulo na po," sabi ni Danica.
Pero nang isinugod siya sa ospital, nadiskubre na sintomas ito ng anxiety disorder, isang mental health condition kung saan nakararamdam ang isang tao ng takot, pangamba, at pag-aalala.
Bago ang insidente, may pinagdadaanan umanong personal na problema si Danica kaya labis ang kaniyang pag-iyak.
Paliwanag ng isang eksperto, na kapag tumataas ang stress hormone o cortisol ng isang tao, tumataas din ang kaniyang blood pressure, heart rate at respiratory breathing.
Ano ang ilang nararapat gawin kapag nakararanas ng stress? Tunghayan ang mga payo sa video ng "Dapat Alam Mo!"
--FRJ, GMA News