Sa halip na paghihiganti, ipakita ang pagmamahal sa kaaway (Lucas 9:51-56).
Kahit noong bata pa tayo, may mga magulang na ayaw nasasaktan o naagrabyado ang kanilang anak. Kapag napaaway ang anak sa kalaro o kaklase, sasabihin ng magulang na, "Gumanti ka! Lumaban ka!"
Madali naman talagang maghiganti. May kasabihan nga na "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin." Pero ang paghihiganti nga ba ang kasagutan sa karahasan at pagkakamali? O lalo lang nitong palalalain ang problema?
Ang mga nakaaangat sa buhay, napakadali para sa kanila ang gumanti lalo na kung mas mababa sa kanilang estado sa buhay ang kanilang nakaaway.
Gagamit sila ng impluwensiya para gawing miserable ang buhay ng tao na kanilang nakaalitan. Maaaring sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso, o kaya naman ay panggigipit.
Sa Mabuting Balita (Lucas 9:51-56) patungkol sa mga magkapatid na Santiago at Juan, na mga Alagad ng HesuKristo, nais nilang gamitin ang kanilang pagiging Disipulo laban sa mga Samaritano.
Nauna rito, tumangging patuluyin ng mga taga-Samaria sina Hesus at ang kaniyang mga Alagad dahil nagpasya si Hesus na magtungo na sa Jerusalem. (Lk. 9:53).
Mistulang sumama ang loob at nagtampo ang mga Samaritano kay Hesus dahil sa desisyon niyang magpunta sa Jerusalem.
Bagama't isinugo nito ang ilan sa Kaniyang mga Alagad para mauna sa Kaniya sa Samaria. (Lk. 9:52). Ngunit nang makita ng magkapatid na Santiago at Juan ang pangyayari. Sinabi nila kay Hesus na "Panginoon, gusto ba Ninyong magpaulan kami apoy mula sa Langit upang pugnawin sila tulad ng ginawa ni Elias?" (Lk. 9:54)
Ipinakita ng magkapatid sa Pagbasa ang kanilang kapusukan at pagiging agresibo laban sa mga taong walang kakayahang maipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Maliit lang naman ang problema kung tutuusin. Sapagkat ito'y isang payak na pagtatampo lamang ng mga Samaritano na maaari namang maayos sa pag-uusap.
Sa halip na pairalin ang lamig ng ulo at diplomasya, tila nais ng magkapatid na tapatan ng paghihiganti ang ginawang hindi pagpapatuloy sa kanila. Nais agad nilang ipakita sa mga Samaritano ang kanilang lakas at kakayahan.
Pero si HesuKristo, nanatiling kalmado at ipinakita ang Kaniyang pagiging mauunawain. Pinagalitan at sinaway Niya ang magkapatid, at sinabihan Niya: "Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo". (Lk. 9:55).
Patuloy pa Niya, "Ito ay sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay ng mga tao kundi upang magligtas."
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na bagama't nasa atin ang impluwensiya at kakayahan, hindi naman ito lisensiya para gamitin natin laban sa mga maliliit at walang kakayahan.
Ang higit na may kapangyarihan ay mas dapat makauuwa. Sa tuwing papasok sa ating isipan ang paghihiganti, buksan natin ang ating puso sa Panginoon upang bigyan Niya tayo ng kapanatagan ng kalooban, palawakin ang ating pang-unawa at matutong magpatawad .
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus. Turuan Mo po sana kaming maging mahinahon at maiwasan namin ang maging mapusok. Sa halip ay matapatan namin nawa ng pag-ibig ang galit sa aming mga puso laban sa aming kapuwa. AMEN.
--FRJ, GMA News