Isang aspirante sa Eleksyon 2022 ang naghain ng kaniyang certificates of candidacy (COC)...pero hindi lang para sa isang posisyon kung hindi tatlo.
Sa huling araw ng filing ng COCs nitong Biyernes sa Commission on Elections sa Harbor Garden Tent sa loob ng Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City, naghain ng COCs si Arlene Josephine "Joy" Mintalon para tumakbong senador at bise presidente.
Sa kaniyang talumpati matapos maghain ng COC, sinabi ni Mintalon na naghain din siya ng COC bilang gobernador sa Ilocos Norte.
Nilinaw din niya na hindi sa pagka-senador ang inihain niyang isang COC kung hindi sa pagka-pangulo.
"And we have enough time to decide kung ano talaga ang tatakbuhan [ko]," paliwanag niya.
Ayon kay Mintalon, isa siyang ina at dating dragon fruit farmer na dating nagsilbi sa National Youth Commission.
“Bakit ako tumakbo sa tatlong posisyon pa? Because masyado nang personal ang mga patama ng mga nangangandidato at nasa gobyerno being legislative or whatever,” giit niya.
Sinabi pa ni Mintalon na isusulong niya ang pensiyon para sa mga mahihirap at senior citizens, at tunay na kapayapaan at demokrasya.
Nais din niyang gawin legal ang "drugs" para makuhanan ng buwis.
“‘Pag tinanong mo ako sa drugs, legislate a law offering or legalizing drugs para makabayad naman sila sa atin ng tamang buwis at namo-monitor din natin sila pag sila ay bumibili and we tell them what’s the effects of this talaga para matahimik na ang mundo,” paliwanag niya.
Hinimok din ni Mintalon ang publiko na huwag iboto ang mga magnanakaw.
Nauna nang sinabi ng Comelec na sasalain pa ang lahat ng mga naghain ng COC upang matukoy kung sino ang mga tunay na magiging mga kandidato.—FRJ, GMA News