Nakabaliktad na sinaklolohan ang isang lalaki matapos na matuhog sa bakod na bakal ang kaniyang binti sa Oton, Iloilo. Hinala ng mga nakatira sa bahay, posibleng pagnanakaw ang pakay ng lalaki.
Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang lalaki na si Genald Magallanes, na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing dis-oras ng gabi nang makarinig ang pamangkin ng may-ari ng bahay sa Barangay Poblacion South, na may humihingi ng tulong.
Sinabi naman ng isang tauhan ng barangay na pinuntahan niya ang lugar na pinanggalingan ng humihingi ng tulong. Nang ilawan niya ito, nakita niya ang lalaki na nakasabit na pabaliktad sa bakod.
Dito na nagpatawag ng rescue team para maialis sa pagkakatuhog ang lalaki.
Tumagal ng mahigit kalahating oras bago naialis ang lalaki sa kaniyang pagkakabaliktad at dinala siya sa ospital na nakakabit ang pinutol na bakal.
Pero bago pa man ang naturang insidente, sinabi ng pamangkin ng may-ari ng bahay na may nadinig na silang ingay sa kusina.
Hinihinala nila na si Magallanes ito pero natakot na mahuli nang magkaroon ng ingay dahil may bumagsak na mga bato sa banyo.
Napag-alaman din na dati palang caretaker sa bahay si Magalles, na wala pang pahayag.
Pinag-aaralan pa ng pamilya kung sasampahan nila ng kaso si Magalles.--FRJ, GMA News