Inanunsyo ni Kuya Willie Revillame nitong Huwebes na hindi siya tatakbo sa anomang posisyon sa gobyerno sa Eleksyon 2022.

Sa kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win," nag-play ang isang video na throwback ng pagsisimula ni Kuya Wil at ng Wowowin sa GMA Network noong 2015, hanggang sa patuloy nitong pagbibigay ng saya, lalo sa mga mahirap at nangangailangan, sa loob ng anim na taon.

"'Yan po ang aking inspirasyon, 'yan po ang aking buhay. Hindi ko po 'yan ipagpapalit sa kahit anong puwesto sa gobyerno," sabi ni Kuya Wil.

Kasabay nito, ipinakita ni Kuya Wil ang kaniyang kontrata sa GMA Network.

"Ito po ang [aking] contract dito sa GMA. I've already signed a contract para magtuloy-tuloy ang programang Wowowin. Ito pong programang ito, magtutuloy-tuloy hangga't kaya ko po magpasaya at magbigay ng tulong sa inyo," anang Wowowin host.

"Sa araw pong ito, tuloy-tuloy pa rin po ang Wowowin. Hindi ko po kailangan kumandidato. Hindi ko po kailangan manalo. Ang kailangan ko ay makasama kayo. Dahil sa puso ko, sa isip ko dapat laging ang mga Pilipino, kayo ang panalo," dagdag ni Kuya Wil.

Para kay Kuya Wil, hindi layon ng programa na mag-rate o kumita kung hindi ang magbibigay ng saya, tulong at pag-asa.

"Ako po si Wilfredo Revillame, nanunumpa sa inyo, dito lang ako sa Wowowin para magsilbi sa inyo," sabi ni Kuya Wil.

Inanunsyo ni Kuya Wil ang desisyon niyang hindi tumakbo isang araw bago ang huling araw ng filing sa kandidatura.

"Since March hanggang ngayon, pinag-isipan ko hong mabuti, pinag-aralan kong mabuti, pinagdasal ko. Marami akong mga kaibigan na kinausap, marami akong mga taong tinatanong at pinakikiramdam. 'Yung management, ordinaryong tao, kasama ko sa programa. Lahat, all walks of life," sabi ni Willie.

Pero sa huli, nasa kaniya pa rin ang huling pasya. Nakita rin umano ni Kuya Wil ang hindi pagkakasunduan at bangayan sa pulitika.

"Napakahirap pasukin ng isang bagay na ganito 'yung papasukin ko. Una sa lahat hindi naman ako nakapagtapos ng pag-aaral.  Ako po ay isang drummer lamang nagsimula..." pag-alala ni Willie.

"Kung sakaling tatakbo ako sa Senado, hindi naman ko magaling mag-English. Wala akong alam sa batas," patuloy niya. "Baka wala naman akong maiaambag na batas. Baka dumating din ang time na sayang ang boto niyo sa akin na wala akong nagagawa."

Sa nakaraang resulta ng Pulse Asia survey sa senatorial race, pasok sa magic 12 ang pangalan ni Kuya Wil. --FRJ, GMA News