Ikinuwento ng isang Pinay na nagtatrabahong nanny sa Switzerland ang kabutihang-loob ng kaniyang mga French na amo. Tinulungan siya nito na pag-aralin ang kaniyang anak, makapagpundar ng sasakyan, makapagnegosyo at magkaroon ng resident visa.
Sa isang episode kamakailan ng "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga, ikinuwento ni Cherrie Salamanca, na 11 taon na siyang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai, at walong taon na siyang namamasukan sa kaniyang mga amo na Pranses.
Bago nito, kasama na si Cherrie sa pagbisi-bisita ng kaniyang mga amo sa Switzerland tuwing holiday, hanggang sa tuluyan na silang nakalipat sa naturang bansa at nagkaroon na siya ng residence ngayong taon.
“Isa 'yon sa mga reason kung bakit napakasuwerte ko sa amo ko. Sila lahat ang nag-process ng documents, papers, expenses, para lumipat dito sa Switzerland. Alam naman natin na hindi madali dito sa Switzerland pumunta, at hindi mura para pumunta dito. So, lahat 'yon, expenses paid ng amo ko,” kuwento ni Cherrie.
Isang taon na naghintay si Cherrie sa Dubai bago lumabas ang kaniyang visa, samantalang nauna na ang kaniyang mga amo sa Switzerland.
"Nasa Dubai lang ako, naghihintay. Wala kaming amo that time. Sila kasi, nandidito (Switzerland) na... Nasa hotel apartment lang. Actually, gym, kain,” kuwento niya.
Mayroon umanong financial company ang kaniyang mga amo.
"Nalaman ko na sila yung klase ng tao na nag-a-appreciate ng mga empleyado. Alam nila kung ano 'yung worth mo. Tumaas ang inspiring feeling mo. Nalalaman mo na importante ka sa kanila, kasi pamilya talaga ang turing nila sa akin,” ani Cherrie.
Bukod dito, tinulungan din si Cherrie ng kaniyang amo na pag-aralin ang kaniyang anak sa Dubai.
"Nakabili na ako ng sarili kong sasakyan, meron na akong maliit na agricultural land, may nabili ako na dalawang small apartment," sabi ni Cherrie.
Sa gitna ng panayam sa kaniya, sinorpresa si Cherrie ng video greeting sa kaniyang amo na si Chloe Alzarka.
"She is very loyal to our family. She is very honest, I can trust her with my children. She is very organized, super organized,” sabi ni Chloe, na pinuri si Cherrie sa galing niya sa flower arrangement.
“If one of my kids is sick, she will be here for him. She’s very, very loyal. She has a big, big heart,” dagdag ni Chloe. --FRJ, GMA News