Ikinabahala ng mga residente ng isang bayan sa Camarines Norte ang biglang pagdami ng literal na matinik na starfish, na kung tawagin ay "Crown of Thorns" o Dap-ag. Kinakain kasi nito ang mga bahura o coral reefs na pinapangitlugan ng mga isda. Pero bakit nga ba mabilis ang kanilang pagdami?
Sa dokumentaryo ni Atom Araullo na "Koronang Tinik" sa I-Witness, sinabing nagkaroon kamakailan ng outbreak ng Crown of Thorns sa bayan ng Jose Panganiban.
Ayon kay Artemio Andaya Jr., community volunteer na sumusugpo sa Crown of Thorns, may namataang mataas na pagkumpol-kulpol ng mga ito sa Tabusao Island.
Para maalis ang Crown of Thorns sa mga bahura, ginagamitan sila ng "tongs" at dapat malayo ang kamay ng maninisid dahil hindi biro kapag nagkasugat mula sa mga starfish.
Gayunman, hindi alam ng mga mangingisda sa Camarines Norte kung ano nga ba ang Crown of Thorns at ano ang epekto nito sa karagatan.
"Ang sinasabi rito ng Bureau of Fisheries, sa bawat ektarya ng bahura na makakuha ka ng 30 crown of thorns. Mayroon nang active outbreak. Ibig sabihin sobra-sobra na ito sa dapat na bilang ng crown of thorns sa lugar na 'yon," sabi ni Andaya.
Ayon pa kay Andaya, nakakakuha sila ng lagpas pa sa 300 hanggang 500 at umabot pa sa 900 na Crown of Thorns sa isang lugar lamang.
"'Yung nakuha namin sa loob ng isang buwan, in 21 days to be exact, 8,489. Ang matured crown of thorn kumain ng one square foot per day. Just imagine 'yung 8,489 square feet kung hindi natin nakuha 'yung Crown of Thorns na 'yun sa dagat natin," paliwanag niya.
At kapag stressed ang starfish, nakapaglalabas ng milyon-milyong itlog ang Crown of Thorns mula sa karagatan na dahilan ng lalo nitong pagdami.
Isa pang solusyon sa pagpuksa sa Crown of Thorns ang pag-inject ng vinegar solution na may 30% suka at 70% freshwater.
"Malaki ang impact ng population ng crown of thorns sa ecosystem natin and sa fisheries itself. Ang pagdami ng Crown of Thorns would also cause decline ng fish productivity kasi marami sa mga isda natin ang nagre-rely para dumami 'yung population sa reef areas natin," sabi ni Nonie Enolva, Division Chief ng Fisheries Resource Management ng BFAR 5.
Bukod dito, sinasabing dulot din ng aktibidad ng tao ang pagdami ng crown of Thorns. Halos wala na raw kasing mga natural na kalaban ng mga nito sa karagatan tulad ng Emperor, Triggerfish at Puffer fish, at Trumpet Shell.
Dahil sa mga hakbang ng mga volunteer na paalalahanan ang mga residente tungkol sa Crown of Thorns, mas dumami pa ang mga tao na sumasama sa operasyon para kunin ang mga ito.
Tunghayan sa video ng I-Witness ang ginawang pagtulong ni Atom sa pangunguha ng Crown of Thorns na nakapipinsala sa mga bahura. --FRJ, GMA News