Idineklara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dapat buwisan ang kita na nakukuha sa paglalaro ng mga cryptocurrency-based gaming platforms tulad ng Axie Infinity.

“Ang serbisyo ng paglalaro, diyan kayo binabayaran ng income. Nabibigyan kayo ng benefits o currency na ginagamit o tini-trade ninyo to convert into money at nagagamit pambayad,” ayon kay BIR Deputy Commissioner for Legal Group Marissa Cabreros sa Laging Handa briefing nitong Martes.

“At the end of the day may flow of income na pumasok sa ating players so income din po ‘yan na pupuwede pong maging taxable,” dagdag pa niya.

Ang mga naglalaro ng Axie Infinity ay nakakaipon ng Small-Love Potion” o SLPs na puwedeng ibenta o papalitan sa cash.

“It doesn't mean na napunta kayo sa digital arena o digital world, eh hindi na kayo magdedeklara o hindi na kayo taxpayer,” patuloy ni Cabreros.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng isang 22-anyos na naglalaro ng Axie na nakabili siya ng dalawang bahay gamit ang mga naipong SLP. (Basahin:  22-anyos na lalaki, nakabili raw ng 2 bahay dahil sa online game na Axie Infinity)

Paliwanag ng opisyal, kung ang kinikita ng isang naglalaro sa isang taon ay hindi hihigit sa P250,000, hindi umano ito sisingilin ng income tax, batay sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Gayunman, sinabi ni Cabreros na lahat ng naglalaro (“scholar” o “breeder”) na kumikita sa naturang online game na pasok sa itinatakda ng batas ay dapat umanong magbayad ng income tax.

Dapat umanong magparehistro ang mga naglalaro sa New Business Registration system ng BIR na makikita sa kanilang website.--FRJ, GMA News