Nagtamo ng mga sugat ang isang 16-anyos na babae na nangunguha ng sea urchins sa dalampasigan matapos siyang atakihin ng dalawang Rottweiler sa Oslob, Cebu. Ang biktima, nakagat din ng aso noong nakaraang buwan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ang pag-atake ng mga aso kay Jenny Rose Gomilao, at pagsisigawan ng mga tao nang mangyari ang insidente noong Martes ng hapon.
Tinangka ng biktima na takasan ang mga aso sa pamamagitan ng pagtakbo sa malalim na bahagi ng dagat pero sinundan pa rin siya ng mga ito.
Ilang saglit ang lumipas, isang lalaki ang lumapit para tulungan ang biktima, na nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay John Michael Banababa, kapatid ni Jenny Rose, mangunguha lang sana ng sea urchins ang biktima na pang-ulam nila nang mangyari ang insidente.
"Hindi niya makontrol sir, sa sobrang lakas ng aso. Kaya pabalik-balik sa kapatid ko. Buti na lang may nakasaksi, tinulungan din makaakyat kapatid ko," sabi ni Banababa.
Napag-alaman na katatapos lang ding maturukan ni Gomilao ng anti-rabies nang makagat din ng aso nitong nakaraang buwan.
Nagbigay umano ng P4,000 ang may-ari ng mga Rotweiller pero hinanakit ng kapatid ni Gomilao na sila pa ang kumontak dito para sa mga bibilhing gamot.
"Hindi nga pumunta sa amin o tumawag lang na kung okay na ba siya, wala sir. Parang binalewala lang kapatid ko," ayon kay Banababa.
Pinag-iisipan nilang sampahan ng kaso ang may-ari para hindi na maulit sa iba ang sinapit ni Gomilao.
Pero depensa ng may-ari ng mga aso na si Lourdes Kapfer, may sariling kulungan at nasa loob naman ng kanilang bakuran ang kanilang mga aso.
Pinalabas lang daw ang mga aso sa kulungan para umihi. Pero narinig ng mga aso ang ingay ng biktima at mga kasamahan nito kaya nagpumilit makalabas ng bahay ang mga aso.
"They are so noisy and my guard told them to be quiet. Because yata mukhang aggravated or they do not understand why these girls are so noisy because they are in the water, so the dogs do not understand what is going on and they are in the ramp of our boat already," sabi ni Kapfer.
Giit pa ni Kapfer, inaasikaso naman nila ang pagpapagamot sa biktima.
Sinabi ng Oslob Police na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries ang may-ari ng mga aso.--Jamil Santos/FRJ, GMA News