Naghatid na agad ng kilabot ang unang Netflix Filipino anime series na "Trese" nang itampok nito sa pasilip na mga eksena ang "pinaslang" na White Lady ng Balete Drive, na isa sa mga kilalang karakter sa Philippine folklore.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing limang minuto ang ginawang pasilip ng Netflix sa naturang ng serye, na dubbed sa parehong Filipino at Ingles.
Kasama sa trailer ang eksena ng pag-atake ng mga kakaibang nilalang sa MRT, at ang pag-iimbestiga kung sino ang papaslang sa isa nang multo na tulad ng White Lady ng Balete.
Ipalalabas na sa Biyernes ang Trese.
Bago nito, may "Not Alive" concert ang Pinoy band na UDD, kung saan kakantahin nila ang theme song ng serye na Paagi.
Na-excite ang netizens dahil sa patok na promo ng Trese kung saan tila nahagip sa video ang pag-vandalize ng mga kakaibang nilalang sa mga billboard nito.--Jamil Santos/FRJ, GMA News