Batay sa isang pag-aaral, lumilitaw na pangatlo ang Metro Manila sa mga lungsod sa Southeast Asia na may pinakamahal na gastusin para manirahan. Bakit nga ba? Alamin mula sa pananaw ng ekonomistang si Mareng Winnie Monsod.
Batay sa ulat ng e-commerce aggregator na iPrice group, nasa P50,798.00 kada buwan ang gastusin sa pamumuhay sa Metro Manila.
Pangatlo ito sa pinakamahal kasunod ng Singapore at Jakarta (Indonesia). Sumunod naman sa Metro Manila ang Bangkok (Thailand), Ho Chi Minh (Vietnam) at Kuala Lumpur (Malaysia).
Lumilitaw na ulat ng iPrice na halos kahati ng gastusin sa pamumuhay sa Metro Manila ay kinakain ng renta sa tirahan na nasa P22,000 isang buwan.
Kaya kung walang binabayarang renta, matatapyas ang gastusin sa pamumuhay sa Metro Manila sa halagang P28,000.
Gayunpaman, lumilitaw na mahal pa rin ito kung ikukumpara naman sa average na buwanang kita ng isang manggagawa na nasa mahigit P18,000.
Batay sa iPrice, bukod sa renta ay kasama sa cost of living ang gastos sa pagkain, transportasyon, mga bayarin sa utilities gaya ng kuryente at tubig, at iba pa.
Maituturing bang palatandaan ng pag-angat ng ekonomiya ang mataas na cost of living na dapat na ikatuwa, o dapat lang itong ikabahala?
Alamin ang ginawang paghimay ni Tita Winnie sa naturang usapin at ang mga paraan kung papaano makakaagapay ang mga tao sa magastos na pamumuhay sa Metro Manila. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News