Armado ng AK-47 at shotgun, pinaputukan ng dalawang bata na edad 12 ang lalaki at 14 ang babae, ang mga awtoridad na rumesponde matapos nilang pasukin ang isang bahay sa Enterprise, Florida sa Amerika.
Ayon sa pahayag ng Volusia County sheriff's office, tumakas ang dalawang bata sa Florida United Methodist Children's Home sa Enterprise at pinasok ang isang bahay.
Nakakuha sila ng baril na ginamit sa pagpapaputok sa mga rumespondeng pulis, ayon sa ulat ng Reuters.
Nasugatan ang babae na armado umano ng shotgun nang barilin siya ng pulis na kaniyang tinutukan.
"The 12-year-old boy, armed with an AK-47, finally put down his weapon shortly thereafter and was not injured," saad sa pahayag ng mga awtoridad.
Sa footage mula sa body camera ng isang pulis na nakakubli sa isang puno, madidinig ang putok ng baril.
Madidinig naman ang pagmamadali ng mga awtoridad na lapatan ng lunas ang nasugatang batang babae na umiiyak sa sakit dahil sa tinamong sugat.
Isinailalim sa operasyon ang babae at maayos na umano ang kalagayan.
Wala namang nasugatan sa mga pulis.
Inihahanda naman ang kaukulang kaso na isasampa sa mga bata, ayon sa sheriff's department.
Naalerto ang mga pulis sa ginawang pagpasok sa bahay ng mga bata sa bahay dahil sa nadinig ng ilang dumadaan sa lugar ang pagbasag sa salamin.
Nang dumating ang mga awtoridad, pinaligiran nila ang bahay at nangyari na ang pagpapaputok ng mga bata.
Mayroon umanong mga baril sa bahay kabilang ang handgun, shotgun at AK-47, at mga bala.
"Deputies did everything they could tonight to de-escalate, and they almost lost their lives to a 12-year-old and a 14-year-old," ayon kay Volusia County sheriff Mike Chitwood.
Napag-alaman na may dating record na ang babae noong nakaraang taon sa pagsusunog ng ilang bakanteng lote.
Pinuna ni Chitwood ang juvenile justice system sa Florida.
Aniya, hindi dapat inilalagay ang mga mararahas na kabataan sa mga group home na hindi bihasa sa pagtugon sa mga naturang kaso.
Hindi raw dahil sa nasabing group home inilagay ang babae kung saan ito nakatakas.-- Reuters/FRJ, GMA News