Isang lapu-lapu na may habang halos dalawang metro at may bigat na higit 200 kilo ang nahuli sa San Andres, Quezon. Ang dambuhalang isda, naibenta sa halagang P22,000.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ni Lonie Gatongay na pinagkaguluhan ang dambuhalang isda nang dalhin sa pampang sa Barangay Inanuran.
Halos kasinglaki na ito ng isang inahing baboy at mas mabigat pa sa isang banyerang isda.
Tiyuhin ni Gatongay ang nakahuli sa isda, na naibenta sa halagang P22,000 dahil sa timbang nito na umabot ng 250 kilo.
Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na isang uri ng grouper fish o lapu-lapu ang nahuling isda na halos kasinglaki ng isang tao.
Sinabi naman ni Diovanie de Jesus, marine specialist at Oceana campaigner, na indikasyon ang mataas na biomass ng lapu-lapu na may isang coral reef area na "in good health."
"Kapag mas marami pa siyang nakakain, mas marami pang isda sa area kaya lumaki rin siya ng ganu'n kalaki," sabi ni de Jesus.
Pero payo niya, mas mabuting hindi na lang hulihin ang mga dambuhalang isda kung hindi naman kakainin dahil makatutulong sila para magparami pa ng isda.
"Kung hindi rin naman kakainin siguro 'yung ganu'n kalaki, mas magandang hayaan na lang kasi puwedeng 'yan 'yung mga mature na isda na puwede pang manganak. Mas bigyan natin ng chance na magparami pa 'yung isda," dagdag ni de Jesus.
Paliwanag naman ni Nonie Enolva, spokesperson ng BFAR Region 5, kung babae ang naturang dambuhalang isda, kaya nitong mag-itlog ng hanggang siyam na milyon.
"During its spawning, that size could be around six to 9.3 million eggs sana ang pupuwede niyang ma-spawn sa ganoong size kung 'yun po ay babae," sabi ni Enolva.--Jamil Santos/FRJ, GMA News