Kung luha ang bumuhos noong nakaraang linggo kay Reymark mula sa Sultan Kudarat dahil sa hirap ng kaniyang buhay, ngayon, tulong at biyaya naman ang nakamit niya matapos maitampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kaniyang kuwento.
Noong nakaraang linggo, marami ang naantig ang damdamin sa 10-taong-gulang na si Reymark, na sa kaniyang murang edad ay nag-aararo na kasama ang kabayo niyang si Rabanos upang makapagtanim ng gulay na pinagkakakitaan nila ng kaniyang lolo't lola.
May sarili na kasing pamilya ang kaniyang ina, at nakulong naman dahil sa pag-iingat ng baril ang kaniyang ama. Kaya naman ang lolo't lola na niya ang nag-aalaga sa kaniya.
Pero dahil matatanda na ang kaniyang lolo't lola, napilitan na si Reymart na magbanat na rin ng buto para makatulong.
Nang lumabas ang kaniyang kuwento sa "KMJS," bumuhos ang tulong ng mga tao para kay Reymark at sa kaniyang pamilya.
“Ang sakit sa puso tingnan ‘yung bata na ganoon ‘yung trabaho,” sabi ni Jed, na kabilang sa mga nagkaloob ng tulong kay Reymark.
“’Yung boss po talaga namin is nag-post sa social media. Tapos ‘yung mga tao naman nagpadala doon sa account,” dagdag pa niya.
Mula sa South Cotabato, bumiyahe ang grupo ni Jed ng dalawang oras upang mapuntahan si Reymark at ibigay ang kanilang tulong.
May grupo rin na nagbigay ng groceries kay Reymark at iba pa pangangailangan ng pamilya.
Si Steward na nasa Canada, nagbigay din ng tulong kay Reymark.
“Bigla po siyang nag-pop-up sa Facebook ko, ‘yung kuwento ni Reymark. Tapos tinawag ko po yung anak ko at pinanood ko sa kanila at talagang nalungkot kami sa kuwento niya,” Steward said.
“So later that day, nag-post ako sa Facebook sa business group namin kung sino ang gustong tumulong para isang fee na lang at buuin natin ‘yung pera natin para maipaabot ang tulong namin kay Reymark,” patuloy niya.
Nangako rin si Stewart, na gagawa siya ng paraan para matulungan si Reymark na makarating ng Canada kapag malaki na siya.
Ang bahay ni Reymark na dating walang laman, ngayon ay puno ng grocery supplies, mga bigas, canned goods at school supplies.
“Masaya po na marami pong tumulong," saad ng bata.
Pero hindi sinarili ni Reymark ang natanggap na biyaya dahil binigyan din niya ang ibang katulad niyang nangangailangan.
Nagkaroon din ng bagong kabayo si Reymark at bisikleta.
Samantala, isang sorpresa pa ang natanggap ni Reymark na nagpaluha muli sa kaniya. Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."— FRJ, GMA News