Ipinagtanggol ni Alice Dixson ang sarili mula sa puna ng ilang netizens tungkol sa pagtanggap niya ng second dose ng Pfizer anti-COVID-19 vaccine, na una niyang natanggap sa Canada. Ang Department of Health, wala ring nakikitang masama sa ginawa ng aktres.
Nakuha ni Alice ang first dose ng Pfizer vaccine noong nakaraang buwan sa Canada, natanggap niya ang ikalawang dose sa Maynila nitong nakaraang May 20.
Puna ng isang netizen, nagkaroon ba ng special treatment kay Alice sa pagtanggap ng Pfizer vaccine. May nagtaka rin kung bakit second dose na agad ang nakuha ng aktres sa naturang brand ng bakuna.
Ipinaliwanag naman ni Alice sa Instagram na naghintay siya sa pagdating ng Pfizer vaccine sa Pilipinas at sumunod siya sa proseso tulad ng iba.
“I waited for the Pfizer vaccines to arrive in the Philippines that’s why I also registered like everyone then I shared the sites and link process,” sabi niya sa magkahalong Ingles at Filipino na paliwanag.
“Remove the ‘artists’ or special treatment out of the equation. What will you fo if you were in my shoes?” patuloy niya.
Sinabi pa ni Alice na dahil Pfizer vaccine ang unang itinurok sa kaniya sa Canada, wala siyang ibang puwedeng pagpilian na brand ng bakuna.
Hindi pa naglalabas ng abiso ang DOH at maging sa ibang bansa na nagsasaad na puwedeng magkaibang brand ng bakuna ang iturok sa mga tao.
“Other kababayans do not need Pfizer and can still get other brands as guided in the public info links provided,” dagdag niya.
“Know that everything will work itself out because more vaccines are coming and everyone will get vaccinated. Nothing will be put to waste,” patuloy niya.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), walang mali sa ginawa ni Alice dahil ang bakuna na ibinigay sa kaniya ang sadyang kailangan niya.
“As long as the vaccine is registered or is approved by FDA here in our country,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tagapagsalita ng DOH.
“We will not deprive people of having their second doses to be fully vaccinated because she was given the first dose in another country,” patuloy ng opisyal.
Lumabas ng bansa si Alice para iuwi sa Pilipinas ang kaniyang anak. Dumating ang mag-ina sa bansa nitong unang linggo ng Mayo.--FRJ, GMA News