Itinuturing ninuno ng mga elepante ang Stegodon na pinaniniwalaang nabuhay sa ibabaw ng mundo 11 milyon taon na ang nakalilipas. Ang isang magsasaka sa Cagayan, nakahukay daw ng pangil at posibleng bagang o ngipin nito.
Kuwento ng magsasaka na itinago sa pangalang "Ross," naghuhukay siya kamakailan nang makita niya ang mga bato na tila kakaiba ang hugis.
Nang suriin niya, tila bangka ang hugis ng inakala niyang bato, at may nakita pa siyang pangil na halos isang talampakan ang haba.
Nang magsagawa sila ng pagsusuri ng kaniyang kaibigan sa internet, lumitaw na ang nahukay ni Ross ay may pagkakahawig sa mga naunang fossil na nahukay tungkol sa Stegodon.
Ang mga Stegodon ay sinasabing nabuhay noon sa Africa, North Amerika at ilang bahagi ng Asya.
Noong 1987, may nahukay ang sinasabing ngipin, buto at panga ng Stegodon sa Antipolo, Rizal. Taong 2014 naman nang makahukay din ng pinaniniwalang buto sa paa ng Stegodon sa Kalinga.
Sa isang museo sa Cagayan de Oro, makikita ang mga buto at pangil ng Stegodon na nahukay sa bayan ng Laguindingan noong 2010.
Pero lalong lumakas ang hinala ni Ross na bahagi ng Stegodon ang kaniyang nahukay dahil noong 1973, may fossil din ng naturang hayop na nahukay sa hangganan ng Kalinga at Cagayan, na malapit lang sa lugar kung saan niya nakuha ang naturang pangil at ngipin.
Upang malaman kung tama ang paniwala ni Ross, ipinasuri sa isang ekperto ang fossils na kaniyang nahukay. Bahagi nga kaya ito ng pre-historic animal at magkano kaya ang magiging halaga nito? Panoorin ang video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News