Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na bagong modus ng scam ang ginamit sa isang babae na bumili ng segunda-manong laptop sa isang online seller pero hindi dumating.
Sa Sumbungan ng Bayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Joyce Chua na plano sana niyang magtayo ng online business kahit nasa bahay lang kaya naisipan niyang bumili ng laptop kahit second hand lang.
Isang online seller na itinago sa pangalang "Cecilia" ang nakatransaksiyon ni Chua para mabilhan ng laptop sa halagang P7,000 nitong nakaraang Disyembre.
Ang orihinal na plano ni Chua para makasigurado na hindi siya maloloko, nais niyang "meet up" ang kanilang transaksiyon. Pero nagdahilan umano ang seller na hindi nakakaalis ng ospital dahil nagbabantay siya sa ama niyang maysakit.
Nagpadala pa larawan ang seller ng umano'y ama nito habang nakaratay sa ospital.
Sinabihan din si Chua na ipadala na lang ang perang pambayad sa laptop sa online payment dahil kailangan niya sa pagpapagamot sa ama.
Naniwala naman si Chua kaya ipinadala na ang pera.
Napanatag din siya na tunay ang kanilang transaksiyon dahil nagpadala pa ng video ang seller na makikita ang delivery man ng Lalamove na may hawak na laptop.
Kasunod nito ay may tumawag din umano sa kaniyang nagpakilalang taga-Lalamove tungkol sa idedeliver na laptop.
Gayunman, sinabi ni Chua na hindi na niya naitanong ang pangalan ng tumawag na nagpakilalang delivery man.
Pero lumipas ang mga oras at araw, walang delivery man at laptop na dumating kay Chua.
Hindi na rin niya ma-contact ang online seller.
Sa ipinadalang pahayag ng Lalamove Philippines, sinabi nito na wala sa kanilang system ang transaksiyon ni Chua at ang cellphone number ng sinasabing nagpakilalang delivery man.
Bukod dito, wala ring partikular na order number ang transksiyon ni Chua kaya hindi nila matukoy.
Posible umanong nagpanggap lang na taga-Lalamove o video ng ibang transaksyon ang ipinadala kay Chua.
Ayon naman kay Victor Lorenzo, hepe ng NBI-Anti-Cybercrime Group, medyo bago ang taktika ng panloloko na ginamit kay Chua na gumamit pa ng video at lehitimong ng delivery service company bilang props sa modus.
Hinikayat ng NBI si Chua na maghain ng pormal na reklamo sa kanilang tanggapan.
Sinubukan naman ng "Sumbungan ng Bayan" na kunin ang panig ni "Cecelia" pero hindi siya sumagot.
Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ang DTI at NBI tungkol sa reklamo ni Chua.--FRJ, GMA News