Inihayag ng ina ng flight attendant na si Christine Dacera na tumawag pa sa kaniya ang anak noong magpalit ang bagong taon upang sabihin na magpa-party siya sa isang hotel sa Makati kasama ang mga kapwa flight attendant.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nakita sa bathtub ang katawan ng 23-anyos na si Christine noong tanghali Enero 1.
Dinala pa siya ospital pero idineklarang dead on arrival at unang lumilitaw na ruptured aortic aneurysm ang kaniyang ikinamatay.
Pero may pagdududa ang Makati police na may foul play sa nanagyari.
“Meron siyang mga pasa, meron siyang mga contusions sa both knees and then meron siyang abrasions… pero isa lang ‘yun na mahaba. Meron definitely sexual contact,” ayon kay Makati police chief Police Colonel Harold Depositar.
Ayon sa ina ni Christine na si Sharon, na nakabase sa General Santos City, pinayagan niya ang anak na dumalo sa party dahil nakita niya na kasamahan nito sa trabaho ang kasama.
Ilang minuto matapos magpalit ang bagong taon, nag-video call daw sa kaniya ang anak.
“‘Sinong kasama mo, ‘nak?’ ‘Siyempre, ‘yung mga friends ko po rin na flight attendant.’ Sabi ko sino, so ‘yun pinakita niya sa’kin mga flight attendants. So, in short, since I really trust my daughter, [sabi] ko ‘Basta enjoy ka ‘te ha, enjoy enjoy lang ‘nak,’” saad ni Sharon.
“Wala akong any presumption na something will happen to my daughter, because siyempre ang kasama niya, mga kasamahan niya ring flight attendant,” patuloy niya.
Ang kaibigan din umano ni Christine na kasama sa hotel ang tumawag sa kanila tungkol sa masamang balitang nangyari sa anak.
“‘Bakit, ano ba nangyari sa anak ko?’ ‘Namatay na.’ So no’ng nagsabi siya na namatay na, ‘Ha? Nag-usap pa kami kanina 12:34 in the morning.’ Hindi ko alam kung anong gawin ko because physically, I’m not with my daughter,” umiiyak na sabi ni Sharon.
Tatlo sa 11 na itinuturing suspek ang naaresto na, at isa ang itinuturing pangunahing suspek.
Kakasuhan sila ng rape with homicide.
“Ba’t kailangan gawin ‘yun nila sa anak ko? I want to seek justice. Justice for my daughter na sana hindi rin ‘yan mangyari sa anak nila. Ni-rape nila ang anak ko. Sana hindi ‘yan mangyari sa kapatid niya, sa anak niya. Ayaw kong may mabiktima pa sila ulit,” giit ni Sharon.
Naniniwala rin ang pamilya na na-set-up si Christine at hindi nito alam na may mga darating sa party na hindi niya kilala.
“Hindi inaasahan ng biktima na sa gabing ‘yun, ‘yun ang mga makakasama niya. Let’s just put it that way. She was supposed to be with friends and she was not supposed to be with strangers. She was with friends and suddenly, dumami sila,” ayon kay Atty. Jose Ledda, pamilya ng biktima.
Ayon kay Depositar may nakitang mga bote ng alak sa hotel room.
“Nag-invite sila ng friends of friends, something like that, ‘no, and I think most if not all are gays also, bisexual, and then they had a party starting mga 10 or 11:30. It continues until the following morning,” anang opisyal.
Aalamin din ng mga awtoridad kung may inihalo sa inumin ng biktima.
“May binitawang salita si Christine na tinanong itong kaibigan niya, sabi niya, ‘Parang may nilagay si name doon sa drinks ko kasi nag-iba ‘yung pakiramdam ko,’” sabi pa ni Depositar.
Sa CCTV footage, nakita umano si Christine at isang lalaki na lumipat ng hotel room.
Kinaumagahan ay ibinalik ang biktima sa orihinal na kuwarto pero binuhat na siya.
“Ang gusto lang naman sana ni Christine is magsaya no’ng yearend party na ‘yun. Kung anumang kababuyan ginawa niyo sa anak ko, hindi deserve ni Christine ‘yun… Wag niyo gawing baboy ang anak ko, tao ang anak ko,” ayon kay Sharon.—FRJ, GMA News