Kasabay ng pagkondena sa "red tagging," iginiit ng aktres na si Angel Locsin na hindi siya miyembro ng New People's Army o anumang teroristang grupo, pati na ang kaniyang kapatid na si Ella Colmenares.
“We live in a country where our freedom to speak and express ourselves are enshrined and protected by the constitution. May paniniwala ako, may paniniwala ka. At sa ilalim ng constitution, pareho tayong mayroon karapatan sa ating nga sariling paniniwala,” sabi ni Angel sa Instagram post.
Ginawa ni Angel ang post matapos banggitin ni AFP Southern Luzon Command commander Lt. Gen. Antonio Parlade, ang kaniyang pangalan, ang kapatid na si Ella Colmenares at pinsan na si Atty. Neri Colmenaras, nang paalalahanan ng opisyal sina Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray, sa pagsuporta sa women's rights group na Gabriela.
Ayon kay Angel, "Kung magkaiba tayo, hindi ibig sabihin pwede mo na ako i-red tag. Hindi tayo magkakalaban dito. Hindi rin ako ‘red’. Magkaiba lang tayo ng paniniwala.”
Sa inilabas na pahayag ni Parlade, pinayuhan niya sina Liza at Catriona na huwag sundan ang yapak ng isang "Ka Ella Colmenares."
"I am sure Angel Locsin and Neri Colmenares will not tell you this," sabi ni Parlade.
Pero paglilinaw ni Angel, hindi rin miyembro ng NPA ang kapatid niyang si Ella at si Atty. Neri, na dating kongresista at miyembro ng Bayan Muna party-list.
Nanawagan si Angel na itigil na ang "red tagging," o ang pagmamarka sa mga tao na "pulahan" o kaalyado ng komunistang grupo.
Kasabay nito, humingi ng suporta ang aktres para kina Liza, Catriona at iba pang biktima umano ng red tagging dahil sa paglalahad nila ng kanilang paniniwala.--FRJ, GMA News