Inabutang nagliliyab ang lamesa sa loob ng isang kuwarto ng isolation facility sa San Manuel, Pangasinan matapos umanong sunugin ng isang 85-anyos na pasyenteng positibo sa COVID-19 na hindi pinayagan na makalabas.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing unang tumakas ang pasyente sa isang ospital at nakitang pakalat-kalat sa harapan ng munisipyo.
Kaya naman kumilos ang mga awtoridad na kunin ang pasyente na asymptomatic o walang sintomas ng sakit, at dinala sa naturang isolation facility sa Barangay Guiset Sur.
Pero paliwanag ng pasyente, nagmula ang sunog sa isang nakasinding katol.
Naagapan naman ang sunog kaya naisalba ang buong pasilidad.
Ibinalik na lang sa ospital ang pasyente.
Ayon sa pulisya, mangangalap sila ng testimonya sa mga saksi kung nararapat na sampahan ng kaso ang pasyente.--FRJ, GMA News