"Sana diyan na lang sana ako sa Jose Reyes." Ito ang nabanggit ni Judyn Bonn Suerte sa kaniyang video bago siya binawian ng buhay dahil sa komplikasyon na dulot ng COVID-19. Siya ay 41-anyos lang.
Sa episode ng "Frontliner," napag-alaman na nagtatrabaho bilang elevator operator si Suerte sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC).
Sa kaniyang trabaho kung saan hindi raw nakapagsusuot ng PPE si Suerte, pinaniniwalaang nalantad siya sa COVID-19 positive na sumakay sa elevator.
Ngunit mula sa Jose Reyes, inilipat si Suerte sa Jose Rodriguez Memorial Hospital, bagay na kinuwestiyon ng kaniyang mga kamag-anak dahil sa paniwalang hindi siya lubos na matutukan doon dahil mas marami ang pasyenteng may COVID-19.
Ngunit paliwanag ng pamunuan ng Jose Reyes, higit na sapat ang gamit at gamot sa Jose Rodriguez para sa mga pasyenteng may COVID-19 kaya minabuti nilang ilipat doon si Suerte.
Pero noong July 31, binawian na ng buhay si Suerte, at naging dahilan ito para magprotesta ang ilang health workers ng Jose Rizal dahil sa umano'y pagpapabaya ng pamunuan ng ospital sa kanilang kasamahan.
Tunghayan sa video ang buong paliwanag ng pamunuan ng ospital sa sinapit ni Suerte, at ang mga hakbang na kanilang ginawa matapos ang nangyari sa kanilang kasamahan.
Panoorin din ang naging huling bilin ni Surte sa kaniyang asawa bago siya mawala at ang sitwasyon niya sa nilipatang Jose Rodriguez hospital.--FRJ, GMA News