Ang mga dumarating na pagsubok sa buhay ay hindi natin dapat sukuan dahil hindi rin sumusuko ang Panginoon sa mga taong lumalapit sa Kaniya. (Mt. 15: 21-28).
_____________
Tulad ng isang taong lumaban o kalahok sa isang marathon, na habang nasa kalagitnaan siya ng laban ay nakaramdam nang matinding hapo at halos pakiramdam niya ay kakapusin na siya ng hininga; dapat na ba siyang tumigil o dapat niyang ipagpatuloy ang laban hanggang sa matapos?
Maaaring sumusuko na ang tao dahil sa dami ng mga problemang dumarating sa kaniyang buhay. Nawawalan na siya ng pag-asa, dahil kahit ilan beses siyang manalangin ay patuloy pa rin siyang naghihirap.
Sumusuko na ang ilan sa atin pero ang Diyos ay hindi kailanman susuko sa mga taong dumudulog sa Kaniya upang hingin ang Kaniyang awa.
Ito ang mensaheng ating mababasa sa Mabuting Balita (Mt. 15: 21-28) tungkol sa isang babaeng Cananea na lumapit sa Panginoong Hesus para hilingin sa Kaniya na pagalingin nito ang kaniyang anak na babae na inaalihan ng demonyo.
Ang aral na maaari nating paghugutan sa kuwentong ito ay ang katatagan ng pananampalataya ng babaeng Cananea, ipinakita niya sa Panginoon ang lalim ng kaniyang pananalig.
Sapagkat kahit sabihan siya ni Hesus na, "Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo," ay hindi pa rin siya nasiraan ng loob sinikap pa rin niyang idulog kay Kristo ang kalagayan ng kaniyang anak.
Sa kaugaliang ng mga Judio noong panahon ni Hesus, hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga taga-Cananea. Sa katunayan ay mababa ang kanilang tingin sa lahing ito.
Sa pangalawang pagkakataon ay muli siyang tinanggihan ni Hesus ng sabihin naman Niyo na, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso."
Ngunit hindi ito nangangahulugan na binabalewala ng Panginoon ang babae. Sa halip, sinusubukan lamang Niya ang katatagan ng pananalig niya.
Kaya naman sa halip na masiraan at panghinaan ng loob ang babae, lalo pa niyang ipinakita kay Hesus kung gaano katatag at kalalim ang kaniyang pananampalataya at paniniwala.
Sa panahong ito, ilan sa atin ang marahil ay pinanghihinaan na ng loob at gusto ng sumuko dahil sa patuloy na pamiminsala at pamemerwisyo ng pandemiyang dulot ng COVID-19.
Maaaring ilan din sa atin ang gusto nang bumitiw dahil sa nararanasang hirap sa buhay bunga ng kawalan ng hanapbuhay at wala ring nakikitang pag-asa na kaagad na matatapos ang problema.
Sa ganitong sitwasyon na tila nalulunod na tayo sa problema at nawawalan na ng pag-asang makakaahon pa, humugot tayo ng aral mula sa kuwento ng babaeng taga-Cananea--kumilos tayo, manalig at maniwala sa awa ng Panginoon.
Hindi madali ang buhay dito sa ibabaw ng mundo. Dumarating talaga sa buhay ng tao ang mga pagsubok. Alalahanin natin na mga bata pa lamang tayo ay tinuturuan na tayo ng ating mga magulang na manalangin.
Sapagkat sa panlangin tayo makakahugot ng katatagan at lalim ng pananampalataya para magpatuloy sa laban ng buhay. Iyan ang ipinakita ng babae sa kuwento, ang pananampalataya niya sa Panginoon ang kaniyang naging lakas at pag-asa.
Tandaan natin na hindi tayo bibiguin ng Diyos sa ating mga kahilingan. Hindi man siguro sa mahimalaang paraan at hindi rin kaagad-agad Niyang ibibigay, pero tulad ng babae sa kuwento, matutong maghintay at magtiis.
Nawa'y kaawaan tayo ng ating Panginoon at ipagkaloob Niya ang ating mga kahilingan at pangangailangan sa araw-araw. Amen.
--FRJ, GMA News