Dinadayo ng mga turista ang Minalungao River sa Nueva Ecija dahil maganda nitong tanawin at malinis na tubig. Pero sa likod ng kaniyang kagandahan, may naninirahan diumano ritong elemento na dahilan ng pagkalunod ng mga biktima. At ang pinaniniwalaang elemento, nakuhanan daw sa larawan ng lalaking naliligo sa ilog.
Ayon sa kuwento-kuwento, mga magaganda at pogi raw ang "kinukuha" ng elemento na nalulunod. Kaya biro ng turistang si Noel, hindi siya pogi kaya marahil ay hindi siya kinuha ng elemento kahit pa makikita sa larawan na tila may kamay na nakahawak na sa kaniyang binti.
Subalit hindi pala doon nagtapos ang kababalaghan kay Noel dahil pakiramdam niya ay sinundan sila ng mga elemento nang bigla naman lumitaw sa isang larawan ang tila bata na kasama nila sa biyahe gayung wala raw ito nang kunan nila ang larawan.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buong kuwento tungkol sa kababalaghan diumano sa Minalungao River, at husgahan kung tama ang paniwala ng isang eksperto na edited ang larawan na makikita ang sinasabing kamay ng elemento. Panoorin.
--FRJ, GMA News