Sa “Pinoy MD,” itinampok ang sikat na Tiktokerist na si Kim Banawan, na naging asset ang kawalan niya ng ngipin at umabot sa dalawang milyon ang kaniyang followers.
“Dahil lang ito sa isang video na trending noon. Madaming natuwa na tao kaya, ‘Ay maganda ito ah, parang gugustuhin ito ng tao kaya ipinagpatuloy ko na lang,” sabi ni Banawan.
Nag-umpisa raw na mabungi si Banawan nang magkaroon ng maliit na butas sa kaniyang ngipin. At dahil hindi siya kumportable sa maliit na sira sa ngipin, nagdesisyon siyang ipapasta ito.
May libreng papasta ang dentist noon sa kanilang lugar kaya sinulit na ni Banawan ang pagkakataon.
“Hindi pa masyadong problema ‘yung kaunting dents lang noon. Pero dahil insecure ako, pinapasta ko siya para maganda ‘yung hitsura ng ngipin ko,” sabi ni Banawan.
Matapos sumailalim sa libreng pasta, grabeng sakit ang kaniyang naramdaman, at kaniya raw tiniis ng halos isang taon. Kalaunan, hindi niya rin kinaya kaya ipinatanggal na niya ito.
Nang mabunutan ng ngipin si Banawan, malaki ang epekto nito sa kaniyang self-confidence.
“Na-insecure talaga ako sa hitsura ko. Ang itim ko noon tapos ang pangit na wala pa akong ngipin. Kino-cover-an ko ‘yung [bibig] ko kapag may kaharap ako. Hindi ako makatawa kasi nga wala akong ngipin sa harap, so tinitiis ko talaga ‘yun,” anang dalaga.
“Pinakamasakit na sinabi nila sa akin, mukha talaga akong matanda,” dagdag niya.
Kalaunan, nagpalakas ng loob ni Banawan ang mga natanggap niyang tukso, kaya nanindigan siyang hindi niya ito dapat ikahiya.
“Tanggap ko na kung anong meron ako ngayon. Kaysa naman ‘yung masakit na iniinda ko. Mas gugustuhin ko pa rin ‘yung ganito kaysa ganiyan,” sabi ni Banawan.
Nagdesisyon si Banawan na i-flex online ang kaniyang pagkabungi, kaya agad-agad na trending ang kaniyang videos at umabot na rin sa milyon ang kaniyang followers. Nag-umpisa na siyang makilala bilang si “Vampire Queen.”
“Sa pagbabasa ko lang ng comments, madaming natutuwa na mas nai-inspire pa ako. Mas nagaganahan pa ako na ipagpatuloy ‘yung ginagawa ko. Kasi meron naman sila na sumusuporta sa akin,” aniya.
Nagpaalala ang dentistang si Dr. Maureen Ines-Manzano na kapag may dent o discoloration ang ngipin, kahit hindi sumasakit, posibleng may cavity na ito sa loob kaya kailangang alisin ang sira at palitan ng pasta.
Ngunit “hindi forever” ang tooth filling o pasta kaya kailangan pa rin itong alagaan. Kapag napabayaan, maaari itong mabulok at kalaunan ay mabunot ang ngipin.
Upang maiwasan ang pagkasira ng iba pa niyang ngipin, nagpasiya si Banawan na magpagawa ng pustiso. Gayunman, nanibago siya sa mga bago niyang ngipin kaya hindi niya ginagamit.
Paalala ni Dr. Manzano kay Banawan na suotin ang pustiso o false teeth para hindi gumalaw ang iba pa niyang ngipin.
“Sa umpisa talagang mahirap ang denture kasi false teeth na ito. Pero kailangang suotin ito kasi ang false teeth o denture, hindi lang ito for aesthetics, for function din,” anang dentista.
Tunghayan sa Pinoy MD kung paano mapapangalagaan ang mga ngipin para manatili itong matibay, at gamitin na kaya ni Banawan ang kaniyang pustiso? Panoorin. —FRJ, GMA Integrated News