Sa isang eskinita sa Caloocan City, laging may makikitang mahabang pila. Pero hindi ayuda o lotto ang pinipilahan ng mga tao kundi ang tindang meryenda-- lalo na ang champorado.
Sa programang "Pera Peraan," makikita na kahit 10:00 am pa lang, may pumipila na sa tindahan ng mag-partner na Angelique at Jhon, na nagsisimulang maglatag ng kanilang paninda ng 2:00 pm.
Ang pinipilahan nilang paninda, kalde-kalderong meryenda lalo na ang malapot at garantisadong malagkit na champorado, na may chocolate at ube flavor.
Ayon kina Angelique at Jhon, nagsimula lang sila noon sa P2,000 puhunan. Dati raw ay hanggang tatlong maliliit na kaldero lang ang kanilang naititinda sa isang araw ay may natitira pa.
Pero nang mag-viral ang post nila sa kanilang tindang champorado, nagsimula na raw lumakas ang kanilang benta at ngayon ay nasa 20 malalaking kaldero na ang nauubos, at umaabot ng hanggang P80,000 ang kanilang kita sa isang buwan.
Gayunman, aminado ang mag-asawa na hindi madali ang lahat at kailangan ang matinding sipag at sikap sa kanilang hanapbuhay para na rin sa kanilang dalawang anak.
Tunghayan at kapulutan ng inspirasyon ang kanilang buong kuwento sa video na ito ng "Pera Peraan." --FRJ, GMA Integrated News