Nagluksa ang bansa sa taong 2022 dahil sa pagpanaw ng ilang sikat na celebrity at personalidad. Kabilang dito ang aktres na si Susan Roces at dating pangulo na si Fidel V. Ramos.
Sa edad na 80, pumanaw noong Mayo si Susan, kabiyak ng namayapa na ring King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr.
Mayo rin nang binawian ng buhay ang kilalang make-up artist, stylist, fashion designer na si Fanny Serrano sa edad na 74 dahil sa sakit sa puso.
Isa pang kilalang make-up artist at hairstylist ang pumanaw noong Mayo na si James Cooper. Siya ay 73.
Ang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla, pumanaw habang nasa California noong Abril sa edad na 90.
Nitong nakaraang Hunyo naman nang pumanaw si Fidel Ramos, 94-anyos, ang ika-12 pangulo ng bansa.
Nagsilbi siyang pangulo mula 1992 hanggang 1998. Bago nito, naging Defense Secretary din siya at Armed Forces Chief of Staff, ni dating pangulong Cory Aquino.
Pumanaw naman noong Agosto batikang aktres na si Cherie Gil, sa edad na 59. Nagkaroon siya ng endometrial cancer.
Nagmula sa kilalang Eigenmann clan sa showbiz si Cherie.
Dahil din sa matagal nang karamdaman, pumanaw sa edad na 75 ang singer-songwriter na si Danny Javier noong nakaraang Oktubre.
Bahagi si Javier ng sikat na grupong Apo Hiking Society, na haligi ng OPM. Kabilang sa mga sikat nilang awitin ang "Ewan," "Batang-Bata Ka Pa," at "When I Met You."
Noong Nobyembre, sumakabilang-buhay naman ang batikang aktres na si Flora Gasser, ang kabiyak ng veteran broadcaster na si Harry Gasser.
Pumanaw naman ang itinuturing Queen of Kundiman na si Sylvia La Torre noong Disyembre 1. Siya ay 89-taong-gulang.
Marami naman ang nabigla sa biglaang pagpanaw ng 29-anyos na si Jovit Baldivino noong Diyembre 9, dahil sa sakit na aneurysm.
Sa ibang bansa, nagluksa ang Japan sa pagpanaw ng kanilang dating Prime Minister na si Shinzo Abe dahil sa asasinasyon noong Hulyo.
Setyembre naman nang bawian ng buhay Reyna ng Britanya na si Queen Elizabeth II sa edad na 96.
Samantala, ilan pa sa mga kilalang personalidad sa Pilipinas na namaalam na ngayon taon. Binawian rin ng buhay ang isa pang veteran actress na si Rustica Carpio noong February sa edad na 91.
Marso naman nang matagpuan na wala nang buhay sa kaniyang tirahan ang American singer/songwriter na si Keith Martin.
Pinaniniwalaang heart attack ang ikinasawi ni Keith na siyang nasa likod ng sikat na awiting "Because of You."
Marso rin nang pumanaw sa edad na 86 ang beteranang aktres at radio talent na si Luz Fernandez.
Ilang personalidad din na kilala sa larangan ng pagpapatawa ang namaalam ngayong 2022.
Isa na diyan ang 52-anyos na si Phillip Lazaro na pumanaw dahil sa multiple organ failure noong Hulyo.
Heart attack naman sa edad na 60 ang ikinasawi noong Hulyo ni Caloy Alde, na nakilala bilang si "Ogag" sa telebisyon.
Enero naman nang pumanaw ang veteran comedian na si Don Pepot sa edad 88. Habang 81-anyos naman nang pumanaw noong Hulyo ang aktor at direktor na si Boy Alano.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News