#Goals ang kambal sa Sarrat, Ilocos Norte matapos na parehong makapasa sa nakaraang November 2022 Nurse Licensure Examination at maging registered nurse na.
Sa programang “Mornings with GMA Regional TV”, sinabi nina Desi Rose at Desi Lhyne Tagama, na pareho silang hindi makapaniwala sa tagumpay na kanilang nakamit.
“We’re still on cloud nine pa pa po kasi once in a lifetime po ang experience na ito lalo na po dalawang blessings ang bumungad sa amin,” saad ni Desi Lhyne.
Ayon kay Desi Rose, bago pa naman sila nakapasa sa naturang exam, nakaramdam silang magkapatid ng pressure dahil baka hindi makapasa ang isa sa kanila.
“Nape-pressure na sabay ba kaming papasa o iisa lang ba ‘yung makakapasa," dagdag niya. Pero sa tulong at suporta raw ng kanilang magulang, nalabanan nila ang pressure at nangibabaw ang kanilang positive thoughts.
“Sabay po kasi kami grumadweyt kaya ayun po sabay kaming nag-take ng [exam]. And payo po ng magulang namin, try ninyo, wala naman mawawala at least nag-try kayo kaysa wala naman ginawa,” dagdag naman ni Desi Lyhne.
Nag-viral kamakailan ang isang video na nagpapakita sa magkapatid na ginigising ng kanilang tatay para sabihing registered nurse na sila.
“Nag-check po kami agad if totoo talaga na may pangalan kaming dalawa sa mga listahan. Tapos nu’ng narinig po namin nakapasa kayo, ‘yung 'kayo' po, bigla po kaming bumangon agad tapos chineck namin ‘yung phone namin. Ang dami po palang tumatawag at nagme-message po sa amin,” ani Desi Rose.
Samantala, nagpasalamat naman ang kambal sa kanilang mga magulang para sa sakripisyo at pagmamahal ng mga ito sa kanila.
“Thank you para sa walang sawang sakripisyo, pag-intindi at pagmamahal ninyo po sa aming magkapatid. Mahal na mahal ko kayo mama and daddy,” sambit ni Desi Lhyne
“Gusto lang po namin sabihin na thank you mama and daddy sa sakripisyo at suporta ninyo, lalo na kay mama na nasa abroad na nagtatrabaho para lang makapag-aral kami. Thank you for everything,” pahayag pa ni Desi Rose.
Mensahe naman ni Desi Lhyne sa kanyang kakambal, “Hindi magbabago at laging humble palagi at huwag na huwag kakalimutan magpasalamat sa Ama.”
“Good luck to us basta tulungan pa rin tayo kahit ano man ang pagsubok,” saad naman ni Desi Rose para sa kanyang kapatid.--FRJ, GMA Integrated News