May mga taong nate-turn off sa mga babaeng may buhok sa kilikili. Pero katwiran naman ng iba, nakakaitim kasi ng kilikili ang pag-aahit ng buhok. Papaano nga ba ang tamang paraan ng pag-ahit ng kilikili? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang 21-anyos na si Jhayzel na itinigil na ang pag-ahit ng buhok sa kilikili mula pa noong 2019.
Paliwanag niya, nagkakaroon daw siya ng rashes at pigsa sa kilikili tuwing nag-aahit siya. Bukod pa diyan, nakakaitim din daw ng kilikili ang naturang pag-aahit.
Noong una, nahihiya raw siya kapag may nakakakita sa kaniya na may buhok ang kaniyang kilikili. Pero nang mag-post siya ng video sa social media, marami ang nakahugot sa kaniya ng inspirasyon.
Gayunman, hindi pa rin nawawala ang mga hater na pumupuna sa kaniya na kababae niyang tao ay may buhok siya sa kilikili.
Sinasabing ang pag-aahit ng buhok sa kilikili ay impluwensiya ng mga Amerikano. May paniniwala rin na mas malinis sa katawan ang mga taong nag-aahit ng buhok sa kilikili.
Pero paliwanag ng dermatologist na si Dra. Jean Marquez, hindi naman nangangahulugan na unhygienic o hindi malinis sa katawan ang mga hindi nag-aahit ng buhok sa kilikili.
Ang kailangan lang umano ay hindi paulit-ulit na isinusuot ang nasuot nang damit upang hindi magkaroon ng body oder. Pero mas prone umano sa body oder ang taong may buhok sa kilikili.
Alamin sa video na ito ng "Pinoy MD" ang tamang paraan ng pag-ahit ng buhok sa kilikili nang hindi umitim ang kilikili. Panoorin.--FRJ, GMA News