Si Hesus ang magpapatighaw sa ating gutom at uhaw (Juan 6:35-40).
“Sinabi ni Hesus; 'Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa Akin ay hindi na magugutom kailanman. At ang sumasampalataya sa Akin ay hindi na mauuhaw kailanman”. (Juan 6:35 – Magandang Balita Biblia)
MARAHIL ay karamihan sa atin ay labis na kinamumuhian at walang amor para sa mga taong nakakulong o mga bilanggo. Iniisip natin ang mga krimen na maaaring kinasangkutan nila.
Ang pagtingin sa kanila ng mapanuring mamamayan ay mga taong wala nang pag-asa, patapon at salot sa lipunan. Kaya nararapat lamang na sila’y mabulok sa bilangguan.
Ang tingin marahil sa kanila ng marami ay masamang tao, o kaya naman ay masahol pa sa isang hayop na nilikha ng Diyos.
Ngunit sa bandang huli, ang mga taong ito na kinasusuklaman natin ay mga taong nagugutom at nauuhaw din sa pag-ibig ng ating Panginoong Hesus, si Kristo na “Tinapay ng Buhay.”
Kung nakilala lamang sana nila ang Panginoon nang maaga, hindi marahil sila nasasadlak sa putikan at kasamaan.
Ganito ang mensahe ng Ebanghelyo (Juan 6:35-40) nang wikain ni Hesus na Siya ang tinapay na nagbibigay-buhay at ang lumalapit sa Kaniya ay hindi na magugutom kailanman.
Inaanyayahan tayo ngayon ni Kristo na lumapit sa Kaniya at tanggapin Siya sa ating buhay bilang Panginoon at tagapagligtas. Sapagkat Siya lamang ang maaaring magligtas sa atin at magtamo ng buhay na walang hanggan.
Winika ni Hesus na ang lumapit sa Kaniya ay hindi na magugutom. Ito ang tinatawag na “spiritual hunger.” Maaaring inaakala natin lahat na kapag nakamit na natin ang lahat ng bagay dito sa ibabaw ng mundo ay maituturing na natin itong tagumpay.
Inakala natin na matagumpay na tayo sa buhay dahil sa ating karangyaan at kayamanan. Maaaring sinasabi natin sa ating mga sarili na ano pa ba ang ating nanaisin. Subalit ang hindi natin alam ay hindi pa tayo busog at sa katunayan ang ating espiritu ay gutom at uhaw sa pananampalataya.
Hindi ang mga kayamanang pag-aari natin ang tunay na magpapabusog sa atin. Makamtan man natin ang lahat ng materyal na bagay at ari-arian dito sa mundo, kung nagugutom naman ang ating kaluluwa o espiritu ay wala itong saysay.
Maililigtas kaya tayo ng kayamanan sakaling bawiin na ng Diyos ang ating hiram na buhay? Ang makapagliligtas lamang sa atin ay si Hesus.
Ilan kaya sa mga nakabilanggo ang hinangad ang karangyaan na dahilan para makagawa sila ng kasalanan at sila ay nakulong? Saan nga ba sila dinala ng sobrang paghahangad sa mga bagay na inaalok ng mundong ito?
Sa loob ng piitan, maaaring mahahanap nilang muli ang kalayaan at kapayapaan sa tulong ng mga Salita ng Diyos na kanilang nababasa sa loob ng kulungan. Kung magagawa nilang tanggapin ang kanilang naging kasalanan, tiyak na makakamit din nila ang kapatawaran ng Panginoon, at ganoon din sana ang lipunan.
Mapapawi lamang ang ating gutom kung si Hesus ang ituturing natin na totoong kayamanan. Sa pamamamitan ng malalim na pananampalataya natin sa Kaniya.
Si Hesus ang papawi ng gutom at uhaw sa ating kaluluwa kung magbabalik-loob tayo sa Kaniya. Kung pagninilayan natin ang pag-aalay Niya ng Kaniyang buhay para iligtas tayo sa ating mga kasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News