Mayroong home isolation package ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mild at asymptomatic COVID-19 cases. Alamin kung papaano ito mapakikinabangan.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, ang naturang programa ng PhilHealth ay tinatawag na COVID-19 Home Isolation Benefit Package (CHIBP). Para ito sa mga miyembro na mayroong asymptomatic o mild symptoms ng COVID-19 na maaaring mag-isolate sa bahay.
Ayon kay PhilHealth spokesperson Shirley Domingo, maaaring mag-apply sa programa ang mga miyembro ng PhilHealth na nagpositibo ang COVID-19 sa pamamagitan ng RT-PCR test.
Pero hindi kasama rito ang mga pasyenteng mayroong severe at critical symptoms.
“‘Yung home isolation package ay binabayad sa accredited providers, hindi po doon sa patients kasi ‘yung providers ang mag-aalaga sa patients,” paliwanag ng opisyal.
Ayon kay Domingo, ang mga maaaring mag-avail ng package ay dapat mayroong nakahiwalay na kuwarto at may sariling banyo, at maayos ang daluyan ng hangin.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang home isolation package ay alternatibo para sa mga pasyenteng may COVID-19 pero ayaw manatili sa mga Community Isolation Unit (CIU), pero nais na makatanggap ng health support habang nagpapagaling sa kanilang bahay.
Kasama sa package ng CHIBP ang home isolation kit na naglalaman ng alcohol, thermometer, pulse oximeter, face masks, medicines, at vitamins; daily teleconsultation nang hanggang 10 araw; patient education; at referral sa high level health facilities kung kakailanganin.
Inilunsad ang CHIBP noong August 2021.
Sa mga nais na mag-apply sa CHIBP, makipag-ugnayan lang sa PhilHealth. —FRJ, GMA News