Nagbigay-pag-asa ngayong Kapaskuhan ang isang Christmas tree na ang nagsilbing mga palamuti ay mga kahilingan ng persons deprived of liberty (PDL) sa Naic Municipal Jail. Ang kanilang mga hiling, karamihan ay para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa video ng Public Affairs Exclusives, sinabing dalawang taon nang nakakulong si "Lisa" sa naturang bilangguan matapos mahuli kaugnay ng ilegal na droga.
Ikinalungkot ni Lisa na naiwan sa labas ng piitan ang kanilang mga anak.
"Mag-ingat sila, hintayin nila ako. At sana makita ko na ulit sila," ani Lisa.
Ganito rin ang hiling ng PDL na si "Lito."
"Ingat siya lagi, 'wag siyang mawalan ng pag-asa. Nandito lang po kami ni Mama'y Papa," mensahe ni Lito sa anak.
Ang wishing tree ay proyekto ng warden ng municipal jail para maibsan ang kalungkutan ng mga bilanggo.
Isinusulat ng mga PDL ang kanilang mga kahilingan, na kadalasan ay para sa kanilang mga mahal sa buhay, saka isasabit sa Christmas tree.
"Huwag siguro natin kalimutan na may mga kapatid tayo sa piitan lalong lalo this holiday season. Kailangan din po nila na maalala sila," sabi ni Jail Officer Aris Williamere Villaester ng Naic Municipal Jail.
"Hindi lang naman materyal na bagay ang kailangan nila kundi respect, love, at mabigyan sila ng pag-asa kahit dito sila sa loob ng facility," dagdag ni Villaester.
"Sana'y paglaya nila sa community kung saan sila babalik, tulungan natin sila. Bigyan natin sila ng second chance," anang jail warden.
Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito.
--FRJ, GMA News