Pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan ang mga vlogger at influencers na kumikita sa kanilang online contents na magbayad ng buwis. Maging ang mga online gamer na kumikita sa paglalaro tulad ng Axie Infinity, bubuwisan na din.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing itinuturing na "self-employed" ang mga social media influencer kaya nararapat din umano silang magbayad ng business tax bukod pa sa kanilang income tax.
Kapag hindi nakapagbayad nito, maaari silang kasuhan ng tax evasion, na may multang P500,000 hanggang P10 milyon, at pagkakakulong ng anim hanggang 10 taon.
Sa Laging Handa briefing naman nitong Martes, sinabi ni BIR Deputy Commissioner for Legal Group Marissa Cabreros, na dapat buwisan ang kita na nakukuha sa paglalaro ng mga cryptocurrency-based gaming platforms tulad ng Axie Infinity.
“Ang serbisyo ng paglalaro, diyan kayo binabayaran ng income. Nabibigyan kayo ng benefits o currency na ginagamit o tini-trade ninyo to convert into money at nagagamit pambayad,” paliwanag niya.
Ang mga naglalaro ng Axie Infinity ay nakakaipon ng Small-Love Potion” o SLPs na puwedeng ibenta o papalitan sa cash.
“It doesn't mean na napunta kayo sa digital arena o digital world, eh hindi na kayo magdedeklara o hindi na kayo taxpayer,” patuloy ni Cabreros.
Paliwanag ng opisyal, kung ang kinikita ng isang naglalaro sa isang taon ay hindi hihigit sa P250,000, hindi umano ito sisingilin ng income tax, batay sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sa ulat ng Unang Balita, sinabi ng netizen na si Jeff Morales, nararapat lang na magbayad ang social media influencers dahil kinakaltasan din ng buwis kada buwan ang mga ordinaryong empleyado.
Sinabi naman ni Evangeline Roberto na responsibilidad ng influencers sa batas ang magbayad ng buwis, at sang-ayon din rito si Gale Castillo, basta hindi lang kukurakutin ng mga "buwaya" ang buwis.
Pero ang netizen na si Marita Berboso, tutol na magbayad ng buwis ang vloggers dahil nakatutulong sila sa mga mahihirap.
Para naman kay Salvador Alonzo, buksan na lang ang mga negosyo para makapangolekta ng buwis ang BIR at hindi na patawan ng buwis ang kita ng vlogger. --FRJ, GMA News