Lumabas sa datos ng Global Cancer Observatory (GCO) ng World Health Organization (WHO) nitong 2020, isa ang cervical cancer sa mga pinakamaraming naitatalang kaso sa mga kababaihan sa Pilipinas. Alamin ang mga sintomas ng cervical cancer at ang posibleng koneksiyon ng pakikipagtalik para makuha ang sakit.
Sa Pinoy MD, ipinaliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Renee Sicam, na isa sintomas ng cervical cancer ang spotting o pagdurugo.
Nangunguna umano ang cervical cancer sa bansa dahil hindi lahat ng mga kababaihan ay may access sa screening upang maagapan ang naturang sakit.
Isang virus na tinatawag na Human papillomavirus (HPV) ang sanhi ng cervical cancer, na hindi naman namamana; hindi katulad ng ibang cancer.
"'Yung HPV na high risk, 'yun ang predominant most of the time, HPV 16 and 18. Kapag ang isang babae ay na-infect sa HPV 16 at 18 at hindi niya na-clear ang infection, kapag matagalan 'yung infection na 'yon, naaapektuhan niya 'yung kuwelyo ng matris," sabi ni Dr. Sicam.
Ang isang tao ay maaaring mahawa ng HPV sa pamamagitan ng pagtatalik, at pagdikit ng balat sa infected genitals o ari.
Sinabi ni Dr. Sicam na ilan sa mga paraan para malaman kung nahawahan ng HPV ang isang babae ang pap smear, pagsailalim sa HPV-DNA test, at visual inspection with acetic acid.
Payo ni Dr. Sicam, magkaroon ng abstinence o pag-iwas sa pakikipagtalik, o kaya pagkakaroon lamang ng single partner.
"Important din ang lifestyle change sa primary prevention. Iwasan din ang smoking, 'yung age ng unang pakikipagtalik dapat hindi sa murang edad. Hindi rin dapat mabuntis at a younger age. Lastly... ang vaccination," anang doktora.
Tunghayan ang buong talakayan sa video at ang naging karanasan ni Reggie Drillon sa pakikipaglaban sa cervical cancer. Panoorin.
--FRJ, GMA News