Bagong pumanaw, hiniling ng 63-anyos na si Tatay Ted sa kaniyang pamilya na ilibing siya kasama ng kaniyang namayapang mga magulang. Gayunman, kapos sa pera ang pamilya kaya magiging problema sa kaniyang mga naulila kung saan kukuha ng panggastos upang mapagbiyan ang huling hiling ng isang mabuti at responsableng padre de pamilya.
Kuwento ng mga mahal sa buhay ni Tatay Ted, sadyang mapagmahal, matipid at hindi maluho ang kanilang padre de pamilya. Kaya naman nagagawa niyang makapagtabi ng pera mula sa pagtitinda ng burger sa kanilang tindahan.
Ayon kay Nanay Ising, maybahay ni Tatay Ted, kung saan-saan nga raw parte ng bahay nag-iipit ng pera ang kaniyang mister para itabi.
Lagi rin daw binanggit sa kaniya ng mister na mayroon itong perang nakatabi na hanapin na lang kapag kinailangan.
Hanggang sa nabigla na lang ang pamilya na naospital si Tatay Ted at binawian ng buhay dahil sa inilihim pala niyang sakit sa bituka at baga.
Kaya naman biglang nagkaroon ng problema sina Nanay Ising kung saan sila kukuha ng pera upang masunod nila ang hiling nito na ilibing siya kasama ng mga namayapa na ring magulang.
Tinatayang aabot sa mahigit P200,000 ang kanilang gagastusin samantalang nasa P100,000 lang ang kanilang naitatabi kaya kailangan pa nilang maghanap ng P100,000.
Dito na muling naisip ni Nanay Ising at kaniyang anak na hanapin ang laging ibinibilin ni Tatay Ted na wallet na may pera.
Ngunit palaisipan naman kung saan parte ng bahay nila hahanapin ang naturang pera at kung totoo talaga na may naitabing sapat na halaga ang kanilang padre de pamilya.
Sa kanilang magtitiyaga, may nakita silang supot na may pera sa pinakaiingat-ingatan nitong lumang bag. Pero sapat kaya ang naipon ni Tatay Ted upang maibigay ni Nanay Ising ang huling hiling ng pinakamamahal na mister?
Panoorin ang kanilang kuwento sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News