Ang pag-ibig ng Diyos ay isang grasya na kailangan din natin ibahagi sa ating kapuwa (Juan 15:9-17).
Kung paiiralin lamang natin ang pag-ibig sa isa't isa, wala sigurong nagkakagalit, wala sanang sigalot at wala sanang digmaan sa mundo.
Sapagkat ang pagmamahalan sa isa't isa ay isang napakagandang biyaya na ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa atin dahil Siya mismo ay lubos at wagas ang pag-ibig sa ating lahat.
Sa Mabuting Balita (Juan 15:9-17), ipinahayag ng ating Panginoong Hesus na: "Ito ang aking utos, magmahalan kayo gaya ng pagmamahal Ko sa inyo". (Juan 15:12)
Ang pag-ibig ay hindi lamang isang grasya kundi isa rin napakagandang regalo mula sa Panginoong Diyos kaya napakapalad natin.
Ibinibigay Niya ang Kaniyang pag-ibig sa bawa't isa sa atin, magkakaiba man ang ating relihiyon, paniniwala, pananampalataya, lahi at kahit tayo ay makasalanan.
Wala Siyang itinatangi o paboritismo. Ang lahat ay iniibig ng Diyos kaya sinasabi Niya sa isang Talata na: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya't ibinigay Niya ang kaisa-isa Niyang Anak upang ang sinomang sumampalataya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan". (Juan 3:16)
Kaya mayroon pa bang makahihigit pa sa pag-ibig ng ating Panginoong Diyos? Wala na.
Sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay dakila. Iiibig Niya tayo nang buong buo at tinanggap tayo ng Panginoon sa kabila ng ating kahinaan, kakulangan at pagiging makasalanan.
Bilang mga Anak ng Diyos, obligasyon din natin na ibahagi ang Kaniyang pag-ibig sa ating kapuwa.
Hindi natin dapat solohin ang pag-ibig ng Diyos na ating natatanggap. Dahil ito ay isang grasya na kailangan natin ibahagi sa ating kapuwa sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Masarap ang umibig at ibigin lalo na ang pag-ibig na galing sa Diyos. Hindi ba't napakagandang tingnan ang mga taong magmamahalan kahit ano pa ang kanilang edad, kulay, lahi at paniniwala?
Pinapaalalahanan tayo ngayon ng Ebanghelyo na tayo ay magmahalan gaya ng pagmamahal ng Panginoong Diyos para sa atin.
Bigyan natin ng pagpapahalaga ang huling habilin ni Hesus bago Siya noon bumalik sa Kaniyang Amang nasa Langit na tayo ay magmahalan.
Manalangin Tayo: Mahal na Panginoon naming Diyos. Maraming salamat po sa grasyang ibinigay Mo sa amin. Ito ay ang pag-ibig Mo para sa amin. Nawa'y maibahagi din namin ang pag-ibig na ito sa aming kapuwa upang kami'y magkaroon ng kapayapaan. AMEN.
--FRJ, GMA News