Hindi lang para sa mga Gen Z at Millennial ang online live selling na bentang-benta ngayong panahon ng pandemic. Sa panayam ni Winnie Monsod, ikinuwento ng senior citizen na si "Mommy Luth," na kumikita siya ng P500,000 sa kaniyang bawat live session.
Ayon kay Mommy Luth, o Ma. Lourdes Domingo, napasok siya sa online live selling para maibsan ang kalungkutan dahil sa pagpanaw ng kaniyang kaibigan.
Kuwento niya, naabot niya ang P500,000 na gross sale sa 20 bag na kaniyang naibebenta sa isang session ng online selling.
BASAHIN: 22-anyos na babae, naging milyonarya dahil sa kaniyang live online selling
Ikinuwento rin ni Mommy Luth ang preparasyon na ginagawa nila sa live selling kabilang na ang pagpapaganda sa mga bag na kanilang ibinebenta at paghikayat sa netizen na i-share ang kanilang live selling.
Sa mga senior na nagbabalak na sumubok din sa online live selling, sabi ni Mommy Luth: 'Try n'yo, subukan n'yo. Kahit chocolate ay bumebenta online."
Si Mareng Winnie, G na G o game na game na nag-demo sa online selling kung papaano niya ibebenta ang "multi-purpose" na payong at tabo. Panoorin ang video sa itaas.-- FRJ, GMA News