Kahit natigil sa kaniyang pag-aaral ang 10-taong-gulang na si Ralph dahil sa panunukso ng ibang mag-aaral dahil sa kaniyang kapansanan, hindi pa rin nawawala ang kaniyang pangarap na balang araw at maging isang abogado.
Dahil hindi nakalalakad si Ralph, nakatira sa Davao Oriental, ang kaniyang mga kamay ang ginawa niyang "paa" upang makarating sa kaniyang pupuntahan tulad sa maisan kung saan niya tinutulungan ang kaniyang ina.
“Mas mabilis akong nakakapaglakad kapag nakabaligtad,” sabi ng bata sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
“Nainggit ako sa mga bata kasi marunong tumakbo, marunong maglakad,” saad pa niya na hindi rin kompleto ang mga daliri sa kamay.
Ayon sa kaniyang pamilya, hindi nila tinuruan si Ralph na maglakad gamit ang kaniyang mga kamay na nagsimula noong tatlong-taong-gulang siya.
Nag-aaral noon si Ralph pero nagpasyang tumigil dahil sa pambu-bully ng ibang mag-aaral na tumutukso sa kaniya na lumpo.
Sa halip na mag-aral, pinili na lamang ng bata na tumulong sa pamilya sa taniman ng mais.
Dahil mahirap ang pamilya ni Ralph, hikahos din sila makakain. Ang kaniyang almusal, asukal.
Kaya naman hindi madala ni nanay Alma sa duktor ang anak na nais magpatingin upang malaman kung puwede pa siyang makalakad.
“Palagi na siya nagtanong sa akin, ‘ma, kung mamamatay na kayo, paano na ako?’ Wala akong magawa,” sabi ni Alma.
“Siya ’yung pinakamalapit sa aking puso. Parang hindi ko matatanggap kung mawawala sa akin ‘yung aking anak kasi mahal na mahal namin siya. Kahit na napapagod na ako sa pag-alaga sa kanya, hindi ko gusto na mawala siya sa akin,” dagdag ng ina.
Para alamin ang kalagayan ni Ralph, ipinasuri ng "KMJS" team via video call sa isang duktor si Ralph.
Ayon sa orthopedic surgeon, mayroong flexion contracture sa tuhod si Ralph kaya hindi niya maituwid nang husto ang kaniyang tuhod.
Hindi man nais ng duktor na paasahin si Ralph, sinabi nito na kailangan masuri na mabuti ang kondisyon niya upang malaman kung ano ang puwedeng gawin.
Mayroon na rin naman daw silang nahawakan na katulad na kaso at nagawang makalakad ng naturang pasyente.
Dinala na rin si Ralph sa rural health unit upang masuri ng duktor ang kaniyang kalusugan.
Para mabigyan ng inspirasyon si Ralph sa pangarap niyang maging abogado, ipinakausap din sa kaniya via video call si Atty. Jessica Siquijor-Magbanua, ang kasalukuyang State Solicitor, at tagapagsulong ng mga karapatan ng mga PWD.
“Pareho raw tayong may kapansanan. Meron akong Spina bifida with clubfeet. Alam n’yo, ‘yung bulk ng success ng bata, I believe, nanggagaling sa magulang. Very blessed ka na nandiyan si Nanay. Maraming salamat sa mga magulang na hindi nawalan ng tiwala sa mga anak nila na may pangarap, katulad namin,” daad niya.
Nangako naman si Ralph na sisikapin niyang abutin ang pangarap niyang maging abogado.
Sa mga nais na tumulong kay Ralph, maaaring magdeposito sa:
BANCO DE ORO MANAY
ALMA MAMUSOG
Account number: 040630045119
– FRJ, GMA News