May kasabihan na sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. Ganito ang nangyari sa mapaghimala umanong Sto. Niño de Malitbog, na matapos mawala ng 30 taon ay naibalik na rin sa wakas sa Southern Leyte.
Pero bago maganap ang makasaysayan at emosyonal na pagbabalik ng Sto. Niño sa kaniyang simbahan, muli itong nalagay sa panganib nang bahain ang bahay ng antique collector na si Francis Ong sa Marikina.
Si Francis ang nakakita sa naturang Sto. Niño at nagbigay-alam sa pamunuan ng simbahan sa Southern Leyte upang alamin kung ito nga ang imahe nila na nawawala.
Nang makumpirma, inihanda at itinakda sa Nobyembre 28 ang pagbabalik ng Sto. Niño sa lalawigan. Pero nanalasa naman ang bagyong "Ulysses" at kasama sa mga nalubog sa hanggang dibdib na baha ang unang palapag ng bahay nina Francis.
Kuwento ng kolektor, ang Sto. Niño de Malitbog lang ang kaniyang nasagip at dinala sa mataas na bahagi ng kanilang bahay. Kaya ang iba niyang koleksiyon, nalubog sa baha.
At kahit abala pa sa pagsasaayos sa binaha nilang bahay, nagpasya si Francis na ituloy at sumama sa paghahatid sa Sto. Niño sa simbahan upang mapasaya at mabigyan ng pag-asa ang mga taong nanampalataya sa imahe.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang emosyon na pag-uwi ni Sto. Niño de Malitbog sa kaniyang tahanan at ang mainit na pagsalubong sa kaniya ng mga tao, at ang pasasalamat nila kay Francis. Panoorin.
--FRJ, GMA News