Kung masusunod ang ipinangako ng Department of Health na P500 na daily hazard pay sa mga health worker, dapat nasa P30,000 ang matatanggap ng naulila ng isang nurse na pumanaw sa COVID-19. Pero dahil sa municipal hospital lang siya nagtrabaho, mahigit P7,000 lang ang nakuha ng kaniyang anak--o katumbas lang ng P64 bawat araw sa kaniyang pagiging frontliner.
“Ang lumalabas sa computation ay P64 a day so napakaliit. Ang problem din kasi dito, ‘yong hospital ay operated by the (local government unit), hindi siya DOH hospital. However, ‘yong mayor nangako siya na naglaan siya ng P14 million para sa hazard pay ng mga health workers. Bakit P7,000 lang?,” pahayag sa "Stand For Truth" ni Casey Cruz, anak ng yumaong nurse na si Tess, na nagtrabaho sa Cainta Municipal Hospital.
“Kung titingnan ‘yong press releases at promises ng national at local government on the top of SRA o ‘yong regular hazard pay na natatanggap nila ay may dagdag pa na hazard pa. Ibig sabihin, magkaibang usapan siya. Ibang computation siya,” patuloy ni Casey.
Sampung taon na nagsilbi si Tess sa nabanggit na ospital. Bago magkaroon ng pandemic, nagkaroon na siya ng pneumonia. Sa kabila ng kalagayan ng kaniyang kalusugan, pinili pa rin niyang magsilbi sa komunidad.
“Marami nang comorbidity si mama kaya sinasabi namin sa kaniya na ‘ma, okay lang na ‘wag ka muna pumasok, kami na muna bahala kasi high-risk ka…’ (pero) back to work siya… the main reason is napakababa ng manpower nila doon sa pediatric ward,” sabi ni Casey.
Patuloy niya, “Ang iniisip niya lagi ‘paano ‘yong workmate ko?’ Kung a-absent siya lalo silang mahihirapan so tuloy siya.”
Nagsimulang makaranas umano ng sintomas ng sakit si Tess noong July 12. Napag-alaman na nagkaroon sila ng pasyenteng mag-ina na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Casey, binalak ng kaniyang ina na magpa-swab test pero hindi nito itinuloy para magamit umano ng ibang pasyente ang test kit.
Sa halip, inalalayan na lang daw ng ina ang sakit na bahagya umanong nawala. Pero pasapit ng July 17, lumubha ang sintomas kaya nagpasya siyang magpa-swab test na sa Cainta Municipal Hospital pero wala namang available schedule.
Hanggang sa magpasya sila na dalhin na ang ina sa isang private hospital sa Taytay.
“Nakita doon sa x-ray at CT scan na sobrang cloudy na noong lungs niya as in halos white na pero siyempre hindi pa rin makapag-conclude ‘yong doctor kung COVID ba ‘to kasi wala pa rin ‘yong swab results niya. So nagbigay na lang muna ng gamot for pneumonia,” ayon kay Casey.
“July 20-21, wala pa result ng swab test, 22 doon na nag-decide and family namin na i-intubate na siya,” dagdag ni Casey.
Noong July 22, binawian na ng buhay si Tess dahil sa cardiac arrest na dulot ng COVID-19. Lumabas ang kaniyang COVID-19 test, dalawang araw matapos siyang pumanaw at positibo ang resulta nito.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, lahat ng public health workers ay dapat makatanggap ng “COVID-19 special risk allowance,” bukod pa sa hazard pay na itinatakda ng Magna Carta of the Public Health Workers o Republic Act No. 7305.
Gayunaman, sinabi ni Cainta Mayor Kit Nieto na tama ang naging kuwenta ng lokal na pamahalaan sa hazard pay na dapat nilang ibigay.
“Ibinigay ang discretion sa LGU mag-determine kung magkano kasi iba-iba naman kapasidad namin. So ang ibinigay na maximum… ng national government was P500," anang alkalde.
"I made the computation of the amount na puwede naming ibigay, we arrived at the amount of P300, which means on top of your sweldo and you are able to get to report for work for 60 days doon sa COVID timeline, you are entitled to an additional P18,000,” paliwanag pa ni Nieto.
Ayon kay Nieto, sa 60 araw, 33 araw na nakapag-report sa trabaho si Tess. Kaya raw hindi naging kuwalipikado ang nurse sa dagdag na P18,000.
“We also asked the accounting department about that (the P7,270 Tess received), taxable pala ‘yong part na ito. In her case because she was receiving P21,000 plus allowances, I think ‘yong amount na ‘yan ay taxable,” sabi pa ng alkalde.
Ipinaliwanag din ng alkalde na naantala ang pagbibigay ng hazard pay dahil na rin sa nararanasang pandemic ng bansa.
“‘Yong delay by itself is subjective in nature. Up to now, we are still in the pandemic. Hindi pa naman natatapos eh. Wala namang specific guidelines coming from the national government or from any other agencies that tell us that we have to release it within a particular period of time,” saad niya.
Ayon sa Alliance of Health Workers, mapanlinlang ang hazard pay na ibinibigay sa health workers at pinapapili umano sila kung Magna Carta of Public Health Workers o ang COVID-19 hazard pay.
“Ang gusto namin talaga pantay-pantay na siya na P500 per day tapos regardless ng days of exposure. Kasi mayroon doon sa guidelines na 1-7 days exposure mayroon kang 25% 'pag more than 7 days, full payment. Dapat ‘di ganoon kasi once na madapuan ka ng virus, kahit isang araw lang, nandoon na yon,” giit ng gurpo.—FRJ, GMA News