Nag-iwan man matinding epekto sa kaniya ang COVID-19, itinuturing pa rin na isang himala ang nangyari sa Pinoy frontliner na si Cesar Noel Estillore sa Amerika, na bagaman tinawag nang "goner" ay biglang bumuti ang kalagayan noong Holy Friday hanggang sa tuluyang gumaling.
Sa Brigada special online series na "Frontliners," ibinahagi ni Cesar ang sakit na kaniyang naramdaman nang malaman niyang pumanaw na pala ang kaniyang pinakamamahal na ina nang hindi man siya nakapag-paalam.
Hindi kaagad sinabi ng kaniyang pamilya kay Cesar ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang ina para maipagpatuloy nito ang paglaban sa virus.
"I had to keep telling my Dad that, whenever he asked about grandma, I said, 'She's okay, natutulog lang siya higaan niya... We had to keep it a secret for a long time," sabi ng anak ni Cesar na si LA.
Nagtatrabaho si Cesar bilang isang Family Nurse Practitioner, kaya nag-alala siyang baka madala niya ang virus sa kanilang pamilya. Pinaka-inaalala niya ang kaniyang ina, na may pulmonary embolism at breast cancer.
Nang magkaroon ng sintomas at magpositibo sa COVID-19, tinawagan ni Cesar ang kaniyang kapatid sa Tennessee para alagaan ang kanilang ina habang siya ay nasa ospital.
Naging malala ang kondisyon ni Cesar dahil sa naturang virus, lalo na't mayroon siyang asthma, hypertensive, obese, at pre-diabetic.
"Sa ospital they're labelling me as a 'goner' kasi ang bumubuhay lang sa akin 'yung gamot... Nagka-pneumonia ako severe, nagka-UTI ako, nagkaroon ako ng acute kidney failure," sabi ni Cesar, na hiniling na payagan muna siyang magdasal bago siya i-intubate.
Sa kasamaang palad, nagpositibo rin ang kaniyang ina sa virus, na sobrang hina na noong mga panahong iyon.
"Especially 'yung last week bago siya namatay, hinahanap niya 'ko araw-araw. Umiiyak siya kung bakit ako wala," ani Cesar.
Marami raw nagulat nang biglang bumuti ang kalagayan ni Cesar at magnormal ulit ang kaniyang vital signs. Nangyari raw ito sa Holy Friday, at pagsapit ng Eastern Sunday, o Linggo ng Pagkabuhay, inalis na siya sa pagkaka-intubate.
Para kay Cesar, dahil ito sa kaniyang ina na nasa itaas na.
"Most likely, nung namatay siya, she probably whispered to the Lord na, 'Bigyan mo naman ng second chance 'yung anak ko,'" sabi niya.
Pagaling na si Cesar noon nang matanggap na niya ang malungkot na balita.
"Noong nagpapaalam na lang 'yung ate ko, sabi niya, 'O, kailangan na kong bumalik kasi pinapapasok na ko sa trabaho.' Pa'no naman si mother? Sino mag-aalaga sa kaniya?"
"Merong tatlo o limang segundo na hindi siya makasagot, kuwento ni Cesar. "Sabi ko, oops, alam ko na. Sabi ko, 'Ate, alam ko na.'"
Kaya nitong Mother's Day, nagdasal at nagpasalamat si Cesar sa Diyos na hindi na nakararanas ng sakit at karamdaman ang kaniyang ina.
"I was thanking the Lord na, 'Lord thank you, for giving me such a very kind and very loving mother. Alam ko she is with You in paradise and in Heaven.'"
Patuloy pa ring nagpapagaling si Cesar dahil kailangan niyang muling mag-aral na makapaglakad na kasama sa naiwang pinsala sa kaniya ng virus. Lagi ring may nakakabit na oxygene sa kaniya.
Tunghayan sa video ang buong kuwento ni Cesar. --FRJ, GMA News