Dahil sa naging pagdami ng mga pekeng account sa Facebook nitong Hunyo, nangamba ang ilang users tungkol sa data privacy at disinformation kaya mayroon ilan na lumipat na sa bagong social media app na MeWe. Ang MeWe na nga kaya ang pamalit sa Facebook?
Sa ulat ni MJ Geronimo sa Stand For Truth, lumabas sa pag-aaral ng Center for Counter Digital Hate, nabigo ang Facebook na alisin ang mga pekeng impormasyon sa site nito at 90% pa rin nito ang hindi na-take down.
Inilunsad ang MeWe noon pang 2016 pero ngayon lang nito nakukuha ang atensiyon ng users.
Ang Executive Director ng Coalition Against Trafficking In Women – Asia Pacific na si Jean Enriquez, nakita na walang spyware at walang political bias ang MeWe kaya naging user na siya nito.
Sa kanilang website, ginagamit din ng MeWe ang #notforsale kung saan hindi nila ibinibenta ang personal na impormasyon ng kanilang users. Kaya naman wala rin itong third party advertisements o content.
Gayunman, paalala ng mga eksperto na maging maingat pa rin sa ano mang social media site na gagamitin. Panoorin ang buong pagtalakay sa video na ito. --Jamil Santos/FRJ, GMA News