Salungat sa tradisyon ng mga Muslim ang cremation para sa namayapa nilang mahal sa buhay. Kaya naman ngayong may krisis bunga ng COVID-19, alamin ang ipinatutupad na panuntunan kung papaano ihahatid sa huling hantungan ang isang Muslim na pumanaw o hinihinalang nasawi dahil sa virus nang hindi nalalabag ang kanilang tradisyon.
Sa ipinatutupad na protocol ng Department of Health, alinsunod na rin sa payo ng World Health Organization, dapat na sunugin ang mga labi ng mga nasawi sa COVID-19 para hindi na kumalat pa ang virus, ayon sa ulat ni Asmarie Labao sa "Stand For Truth."
Gayunman, naglabas ng bagong guidelines ang Department of Health 0158 series of 2020 na nagsasaad na, "Always apply the principles of cultural sensitivity."
Ito rin ang naging panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Eduardo Año.
"Sa Islam, ipinagbabawal ang cremation dahil ayon sa mga pantas, ang ating Tagapaglikha ang siya lamang ang tunay na karapatang magbigay ng parusa, at ang parusang ito ay ang nagliliyab na apoy sa impiyerno," sabi ni Alem Amrollah Diambangan, Propagator sa Sulay Islamic Center sa Riyadh.
"Kaya maski tayo sa mundo bilang mga Muslim, tayo ay mahigpit na pinagbabawalan na magparusa sa kahit sinong tao o maski hayop," dagdag ni Diambangan.
Kaya naman matapang na ginampanan ng mga Muslim na frontliner ang kanilang tungkulin na ilibing nang maayos ang kanilang namayapa dahil sa COVID-19, alinsunod sa DOH.
Ayon kay Dr. Alinander D. Minalang MPH, MPM, CESE, Provincial Health Officer II, Lanao del Sur, nagsagawa na sila ng training sa mga frontliner kung paano ililibing ang bangkay at ang tamang pagsasagawa nito.
"Ang magha-handle doon, lahat 'yon (frontliners) naka-personal protective equipment. After ma-seal ng cadaver, idi-disinfect and then saka siya puwedeng i-transport," sabi ni Minalang.
Sa halip na sa ambulansya, isinakay sa pickup truck ang bangkay na dadalhin sa Muslim burial site.
"Talagang kaba na nu'ng nakuha namin 'yung cadaver, ita-transport na namin sa (Maqbarah Provincial Public Cemetery), may point doon na nakahawak kami sa cadaver," sabi ni Mr. Amer Hussein Lucman.
Nakakapanibago umano ito sa mga Muslim dahil bago ang pagsulpot ng COVID-19, ang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala ng nasawi ang paghahatid sa kaniya sa libingan.
"Konti 'yung tao. Kasi nag-allow lang kami ng first and second for immediate family members eh, tapos hindi na namin pinayagan just to avoid the spread ng disease," ayon kay Lucman.
Sabi ni Saripada Lucman Pacasum Jr., Dept. Head, Disaster Risk Reduction and Management Office sa San Juan City, masakit ang nangyayaring ito.
"Masakit masyado, kasi sa atin sa probinsiya, sanay tayo kapag may namatay na family member dumarating lahat eh, lahat nandiyan, lahat nagbibisita. Pero kabaligtaran kasi talaga sa panahon ngayon eh," pahayag niya.
May mga kamag-anak naman na humihiling ng dasal bago ilibing ang mahal sa buhay kaya pinagbibigyan ito ng mga frontliner.
Pagkatapos ng Salat al-Janazah o mataimtim na dasal, ilalagay ang labi ng yumao sa hukay, tatabunan at iiwanan na, na siya namang katanggap tanggap sa mga Muslim.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News