Damang-dama na init ngayong summer pero hindi naman makagala sa beach o pool para makapagpalamig dahil sa enhanced community quarantine. Pero may ilang tips kung paano palalamigin ang sarili pati na rin ang pets na hindi na kailangang gumastos nang malaki.
Sa "Good News," ipinakita ang paggawa ng mga home-made cooler gamit lamang ang plastic bottles.
Lagyan ito ng tubig saka ilagay sa freezer. Kapag matigas na ang tubig at naging yelo, balutin ng bimpo ang bottle saka idampi sa katawan.
Para naman maiwasan ang paggising na nanlalagkit ang katawan dahil sa init, ibalot ang frozen bottle sa tuwalya at ipasok sa unan. Yakapin ang unan para maging maginhawa ang pagtulog.
Gamit naman ang spray bottles at katas ng aloe vera plant, magiging refreshing na rin ang pakiramdam.
Maglagay ng isang kutsarang katas ng aloe vera sa spray bottle. Lagyan ng tubig at saka i-shake.
Ayon sa mga eksperto, merong natural anesthetic o pampamanhid ang aloe vera kaya may relief sa pakiramdam kapag ginawa itong spray sa katawan.
Para naman sa mga naiinitang pets, maghanda ng tuwalya at ilagay sa freezer ng ilang minuto. Ipahid sa tainga, leeg at paws ng aso pagkatapos.
Gayunman, tamang lamig lang dapat at hindi nagyeyelo, ayon kay Born To Be Wild Host Doc Ferds Recio.
Cooling hack din para sa mga aso ang paglalagay ng yelo sa kanilang inumin.--FRJ, GMA News