Kasabay ng summer season ang paglipana ng jelly fish o dikya sa mga beach na maaaring magdulot ng peligro sa mga lumalangoy. Ano nga ba ang dapat gawin kapag nakapitan o nasalabay ng dikya? Puwede nga bang gamiting pang-first aid ang ihi ng tao? Alamin.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Sherrie John Talavera, first aid responder ng White Rock Resort, na hindi dapat gamitin ang ihi na pang-first aid sa taong kinapitan ng dikya dahil maaari itong pagmulan ng impeksyon at makasama pa lalo sa pasyente.
Sa halip, sinabi ni Talavera na suka o tubig-dagat ang dapat gamitin para maalis ang nakakapit na dikya, at ibuhos din sa parte ng balat na kinapitan ng dikya.
Paliwanag pa niya, dapat gumamit ng sapin sa kamay tulad ng towel o gloves kapag aalisin ang nakakapit na dikya sa balat.
Kung gagamit ng towel, makabubuting ilublob muna ito sa suka at saka itakip sa dikya na nakakapit sa balat, at saka hatakin.
Paalala niya, dapat palayo sa balat ang paghatak sa dikya at huwag pababa na maaaring maikuskos pa sa balat ng pasyente.
Kapag naalis na ang dikya, buhusan ng suka ang mga marka o lugar ng balat na kinapitan ng dikya at obserbahan ng ilang minuto ang kalagayan ng pasyente.
May mga sitwasyon na maaari umanong mahirapang huminga ang nakapitan ng dikya kaya makabubuti rin kung dadalhin sa ospital ang pasyente kapag nalapatan na ng paunang lunas. -- FRJ, GMA News