Binaril at napatay sa labas ng pinapasukang restobar sa Pozorrubio, Pangasinan ang isang 26-anyos na cook nitong Martes.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Kryss Jan Poseliro, na inilarawan ng mga kaanak at kaibigan na mabait at responsable.

“Masakit, walang kalaban-laban ang apo ko, hindi namin matanggap ang ginawa sa kaniya,” saad ni Violeta Poseliro, lola ng biktima.

Ayon sa pamilya, nakaupo sa harap ng pinapasukang kainan si Poseliro nang barilin ng salarin, na tumakas sakay ng motorsiklo.

Blangko ang pamilya ng biktima sa motibo sa krimen kaya nanawagan sila sa mga awtoridad ng masusing imbestigasyon.

“Sabi ng ama niya, mas matatanggap niya kung nagkasakit siya o nadisgrasya kaya namatay, pero ‘yung ginawa sa kanya, hindi tama,” ayon kay Lola Violeta.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pulisya tungkol sa nangyari kay Poseliro habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News