Tinutugis ng mga pulis ang PBA player na si John Amores matapos masangkot sa insidente ng pamamaril sa kalsada sa Lumban, Laguna.

Sa ulat ng GTV News "State of the Nation" nitong Miyekoles, sinabi ng awtoridad na nag-ugat ang insidente sa away sa larong basketball.

Sa ipinakitang CCTV footage ng Lumban PNP, makikita na isang lalaki na si Amores umano ang bumaba ng motorsiklo habang nasa gitna nang kalye. Ilang saglit lang, pinaputukan na lalaki ang biktima na nakaaway niya sa basketball.

Hindi naman tinamaan ng bala ang biktima, habang umalis si Amores patungo sa direksyon ng Pagsanjan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakainitan umano ni Amores ang biktima nang maglaro ng basketball sa Barangay Salac at naghamonan ng suntukan sa ibang lugar.

Sakay ng motorsiklo, sinundan umano ng biktima si Amores na nakasakay din sa hiwalay na motorsiklo sa Barangay Maytalang Uno, at doon na nangyari ang pamamaril.

Nahaharap umano si Amores sa reklamong frustrated murder. --FRJ, GMA Integrated News