Isang lalaki at isang babae na kapuwa pitong-taong-gulang ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Ilocos Norte at Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nalunod ang biktimang lalaki nang maligo sa sapa sa Barangay Cangrunaan sa Batac City, Ilocos Norte noong Sabado.

Kasama umano ng biktima ang kaniyang kapatid nang maligo sa ilog pero hindi raw nagpaalam ang mga ito sa mga nakatatanda.

"Tumakas sila papuntang sapa kasi ‘yun mahirap kasi mapakinggan lalo kapag may mga gumagamit roon ng water pump. Nagpuputol ako ng mais sa malapit roon pero 'di ko na marinig," ayon kay Darwin Binala, tiyuhin ng biktima.

Mahigit sa pitong talampakan umano ang lalim ng lugar sa sapa kung saan nalunod ang biktima.

Labis ang lungkot ng ina ng bata dahil nasa ospital din ang mister nito at nagpapagaling sa sakit.

Isang residente sa lugar ang agad na sumaklolo nang marinig niyang may nalulunod pero hindi huli na.

"Sinabi nila na may nalunod kaya agad akong tumakbo at tumalon na lang ako kasi gusto kong maisalba ang buhay," ani Donald Vercida.

"Matagal kong hinanap sa loob ng tubig nang mahawakan ko dibdib niya. Itinaas ko pero namumuti na siya," dagdag niya.

Sa ilog naman nalunod ang biktimang babae na naligo sa Abacan River sa Angeles City, Pampanga, noon ding Sabado.


Nakaligtas naman ang kasama ng biktima na limang-taong-gulang.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na huwag maligo sa lugar.

"Bilang concerned citizen[s] magmalasakitan po tayo, kung kaya po nating pigilan yung mga bata, pahanguhin natin sa tubig, huwag po natin paliguin doon. Unang-una po hindi po malinis ang tubig doon," ayon kay Police Major Alfred Andal, Commander of Angeles City Police Station-3.--FRJ, GMA Integrated News