Malapitang binaril sa ulo ang isang dating punong barangay habang bumibili ng patuka para sa mga manok sa Iloilo City.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ernie Poral, dating barangay chairman sa Ingore sa La Paz, Iloilo City.
 
Sa CCTV footage, makikita ang biktima na bumibili ng chicken feeds sa isang talipapa sa Barangay Baldoza nang lapitan siya ng salarin at barilin nang malapitan sa ulo nitong umaga ng Lunes.

Nakasuot ng helmet ang salarin at umalis sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, na posible umanong may kaugnayan sa negosyo nito.

Isang suspek ang naaresto ng mga awtoridad sa bayan ng Guimbal pero itinanggi niya na may kinalaman siya sa krimen.

Sinasabing sangkot din ang suspek sa shooting incident na ikinamatay din ng biktima sa Barangay Villa Anita sa Iloilo City noong nakaraang Marso.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na inabangan ng salarin si Poral sa lugar kung saan binaril ang dating punong barangay.

Hinihinala rin ng mga kaanak ng biktima na kahawig ng suspek ang lalaking umaaligid sa bahay ng dating punong barangay isang araw bago mangyari ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News