Isang negosyante na may negosyong pautang ang binaril at napatay habang sakay ng isang taxi sa Davao CIty nitong Miyerkules.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Leopoldo Gonzaga, 67-anyos, na nasawi dahil sa tinamong tama ng bala sa leeg.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sumakay ng taxi ang biktima sa harapan ng Hall of Justice at nagpahatid sa isang subdibisyon sa Barangay Buhangin.
Pero pagsapit nila sa Barangay 19-B, dalawang putok ng baril ang nadinig at nakita ng taxi driver na may tama na ang kaniyang pasahero.
Tumakas umano ang salarin sakay ng motorsiklo.
Bahagya rin nasugatan ng taxi driver dahil sa pagtalon nito mula sa taxi dahil sa matinding takot.
Kabilang sa inaalam na motibo sa krimen ang pautang na negosyo ng biktima dahil mayroon umanong mga hindi nakapagbabayad sa biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News