Nakumpirma na pulis ang rider na nag-viral sa social media na naglabas ng baril matapos na may makaalitang driver ng truck sa kalsada sa Rizal. Ang naturang pulis, inalis na sa puwesto.
Sa ulat ni Jun Veneracio sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita sa video na nakasilbilyan ang pulis nang mangyari ang insidente.
Sa video, pinuna rin na walang plaka ang gamit na motor ng pulis at naka-tsinelas lang ito na ipinagbabawal sa pagtakaran sa pagmamaneho ng motorsiklo.
Ayon sa driver ng truck, nagpakilala umano ang rider na pulis nang komprontahin siya.
Nakumpirma naman na totoong pulis ang rider na nakatalaga sa Morong, Rizal Municipal Police Station. Inalis na siya sa puwesto habang inihahanda ang reklamo laban sa kaniya.
“Ang ginawa naman ng hepe ng Morong is restrictive custody at nandoon naka-confine lang sa police station. Pina-recall ko na rin ang kaniyang service firearm,” ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, police director ng Rizal Province Provincial Office.
Gayunman, hindi pa nagsasampa ng reklamo ang driver ng truck laban sa pulis.
Ayon sa hepe ng Morong Police Station, ipinaliwanag ng pulis na pauwi na siya noong June 16 nang makagitgitan niya ang truck sa Antipolo-Teresa Road.
Pinahinto raw niya ang truck pero dalawang beses siyang hindi pinansin. Sa ikatlong pagkakataon umano ito tumigil kung saan nakuhanan siya ng video na may hawak siyang baril.
“Definitely, hindi natin pagtatakpan ang pagbunot ng baril pero ang kanyang version naman nagpi-freewheeling lang daw siya sa zigzag road sa Antipolo-Teresa road na 'yun then all a sudden may nag-overtake sa kaniyang 16-wheeler truck kinut [cut] daw siya,” ayon kay Morong Chief Police Major Rosalino Panlaqui, batay sa paliwanag ng pulis.-- FRJ, GMA Integrated News